ZAMBOANGA CITY – Nagiging talamak na ang prostitusyon sa isang transitory site na pinaglipatan ng pamahalaang lungsod sa 150,000 internally displace person (IDP) sa siyudad na ito matapos maapektuhan sa Zamboanga siege noong Setyembre 2013.
Ayon sa pamahalaang lungsod, nag-iimbestiga na ang mga tauhan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) para makumpirma ang mga ulat ng umano’y mga insidente ng prostitusyon sa Masepla transitory site.
Sinabi ni Socorro Rojas, ng CSWDO, na nagpapatupad na ng mga hakbangin ang pamahalaang lungsod, katuwang ang United Nations Children’s Fund (UNICEF), gaya ng mga programa na nagpapaigting sa proteksiyon ng mga bata, sa mga transitory site sa Masepla, Buggoc, at Taluksangay sa siyudad.
Nauna rito, napaulat na dahil sa hirap ng buhay ng evacuees ay naging talamak ang prostitusyon, na tinaguriang “tira beynte”, sa mga transitory site, o ang pag-aalok ng kabataang babae ng pakikipagtalik sa pinakamababang halaga na P20.
Noong nakaraang taon pa kumalat ang ulat tungkol sa tira beynte ngunit sinabi ni Rojas na hindi evacuees ang sangkot sa modus, kundi mga babaeng galing pa sa Metro Manila at tumutuloy sa transitory site.
Ikinataas ng kilay ng maraming residente malapit sa transitory site ang naging pahayag ni Rojas, at sinabing bigo ang opisyal na masusing imbestigahan ang insidente.
Bagamat iginigiit ni Rojas na ginagawa ng pamahalaang lungsod at ng UNICEF ang lahat upang maipagkaloob ang mga pangunahing pangangailangan upang matiyak ang kapakanan at proteksiyon ng mga IDP sa mga lahat ng transitory site sa siyudad, maraming evacuees ang nagrereklamo ng kawalan ng maayos na kalusugan at serbisyo sa nakalipas na dalawang taon. (NONOY E. LACSON)