KAPANALIG, ang isyu ng terorismo ay isang mabigat na isyu na pilit na sumisiksik sa lahat ng dimensyon ng buhay ng maraming bansa ngayon. Sa kasagsagan nga ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit, ang terorismo ay isang isyung panlipunan na hindi natin dapat balewalain.
Ang terorismo ay malaking balakid sa pagtutulungan ng mga bansa tungo sa inclusive growth and peace. Kung ito ay magiging anino na susunud-sunod sa galaw ng mga bansa, ang kooperasyon at kolaborasyon ay babagal at maaantala. At sa pagkakaantala na ito, maraming mamamayan, hindi lamang sa ating bansa, kapanalig, kundi sa ibang bansa pa, ang mananakawan ng pagkakataong umunlad.
Ano nga ba ang terorismo at bakit nangyayari ito?
Kapanalig, maraming kahulugan ang binibigay sa salitang ito, at kadalasan, ang mga kahulugang ito ay kulang. Ang tunay na kahulugan ng terorismo ay makikita sa mga mata ng mga biktima nito. Dito nakikita ang ibayong takot at trauma, walang masumpungan at kawalan ng pag-asa. Base sa epekto nito sa mga biktima, ang terorismo ay tila pagnanakaw ng kalayaan ng tao na mamuhay ng mapayapa at may pag-asa.
Kaya nga’t mahirap kalabanin ang terorismo dahil ang mga nagpapasimuno nito ay tila hindi kumikilala sa dangal at angking dignidad ng bawat tao, kahit ano pa man ang kulay, lahi, antas sa lipunan, at iba pa. Sa ating bansa, maraming acts of terror ang sinasabing conflict-based at pulitikal. Kadalasan, ito ay ukol sa kapangyarihan.
Ilan sa mga acts of terror sa ating kasaysayan ay ang Plaza Miranda Bombing, ang pagbomba sa San Pedro Cathedral sa Davao noong 1981 habang nagdaraos ng misa para sa Pasko ng Pagkabuhay, ang pagsugod sa Ipil, Zamboanga noong 1995, ang Sipadan kidappings noong 2000, at ang Rizal day bombings. Marami pang iba, kapanalig. Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng mga pagkilos na nagbigay ng ibayong takot sa maraming tao.
Mahirap gupuin ang terorismo, lalo na’t ang ugat nito ay malalim at mahirap arukin. Ngunit isa sa mahahalagang sangkap, kasama ng mga polisiya, inclusive growth, at pagbabantay, ay solidarity, hindi lamang sa loob ng ating bayan, kundi ng lahat ng mga bayan. Ayon nga kay Pope Francis sakanyang Angelus Address noong August 25, 2013: “It is not conflict that offers prospects of hope for solving problems, but rather the capacity for encounter and dialogue.” (Fr. Anton Pascual)