TORONTO (AP) – Hinalikan ng bagong kahihirang na All-Star member na si Kyle Lowry ang isang fan sa noo matapos aksidenteng mabagsakan sa kanilang laro kontra Miami na kanilang pinadapa sa kanyang pamumuno, 101-81.
Tinangkang makuha ni Lowry ang isang “loose ball” sa unang bahagi ng first quarter na lumabas ng court kaya di naiwasang bumagsak siya sa isang babaeng fan sa nakaupo sa first row na hindi naman nasaktan sa insidente.
Mula roon, nagtala si Lowry ng 15 puntos at 6 na assists upang tulungan ang Raptors sa pagposte ng kanilang season-high seven game winning streak.
Tumapos na topscorer para sa Raptors si DeMar DeRozan na may 33 puntos habang nagdagdag naman si Terrence Ross ng 13 galing sa bench.
Nanguna naman para sa Miami si Chris Bosh na may 26 na puntos na sinundan ni Dwyane Wade na may 22 puntos.
Sina Lowry at Wade ay inaasahang magkakasama sa backcourt para sa Eastern Conference sa gaganaping All-Star Game sa susunod na buwan na idaraos sa Toronto.
Ang seventh straight win ay ikatlong beses na nagkaroon ang Raptors ng kasing haba ring run na huli nilang nagawa noong 2002 na umabot hanggang sa kanilang franchise-record na nine-game streak. Ito rin ang pinakamahabang run sa ilalim ni Dwane Casey sa loob ng apat na taon at kalahating paggabay sa Raptors bilang coach.
Mula sa kanilang panimulang 9-2 run sa laban na sinimulan ng 3-pointer ni James Johnson, hindi na naiwan ang Toronto hanggang sa final buzzer.
Matapos namang magsalansan ng kabuuang 64 na puntos sa nakaraang dalawa nilang laban, muling nanguna si DeRozan para sa Raptors sa first quarter pa lamang kung saan nagtala siya ng 15 puntos para sa 31-10 kalamangan ng kanilang koponan.
Nagtala ang Toronto ng 60-44 na bentahe sa halftime, ang kanilang ikalimang beses na pag-iskor ng 60 puntos sa first half ngayong season.
Sa iba pang laro, tinalo ng Houston ang Milwaukee, 102-98, sa pangunguna ni James Harden na may 30 puntos, nanaig ang Charlotte sa Orlando, 120-116 sa overtime, dinurog ng Los Angeles Clippers ang New York Knicks, 116-88 at inungusan ng Boston ang Chicago, 110-101.