Kinumpirma kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na positibong methamphetamine hydrochloride o shabu ang nakumpiska mula sa shabu laboratory na sinalakay ng awtoridad sa Sta. Cruz, Maynila nitong Huwebes, batay sa laboratory examinations.

Sa kabuuan, ang nasamsam na shabu ay nagkakahalaga ng P383 milyon.

Sinabi ni Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr., PDEA Director General, na batay sa chemistry report ng PDEA Laboratory Service, ang nakumpiskang shabu ay tumitimbang ng 76,697.7 gramo.

Ang nasabing shabu, kasama ang maraming laboratory equipment, ay nadiskubre sa pagpapatupad ng search warrant ng mga operatiba ng PDEA Special Enforcement Service (PDEA-SES) at Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) sa Mahogany Street, Celadon Residences sa Felix Huertas Road, Sta. Cruz, Maynila, dakong 1:00 ng umaga nitong Huwebes.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Naaresto sa nasabing operasyon sina Yan Yi Shuo, alyas “Randy”, 33, Chinese; at Lt. Col. Ferdinand Marcelino, ng Philippine Marine Corps at dating opisyal ng PDEA.

Sina Shuo at Marcelino ay kapwa nahaharap sa paglabag sa Sections 8 (Manufacture of Dangerous Drugs) at 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act). (FRANCIS T. WAKEFIELD)