MAINIT ang naging pagsalubong ng mga Pilipino kay Miss Universe 2015 Pia Alonzo Wurtzbach sa kanyang pagdating kahapon ng umaga, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Parañaque City.
“Sobrang saya ko, hindi ako makatulog at makakain sa eroplano sa pagpunta ko dito,” kuwento ni Pia nang eksklusibong makapanayam ng ABS-CBN.
Suot ang isang brown cocktail dress, sinabi ng Filipino-German beauty na literal na iniuwi niya ang korona ng Miss Universe — ang tunay na korona — para sa kanyang pagbabalik-Pilipinas, bagamat sinabi niyang hindi niya ito isinuot nang bumaba sa eroplano.
“Nandito po. Ang dala po naming korona ay ‘yung totoo po. Kasi siyempre mayroong instances na kapag ‘yung pupuntahan namin ay medyo maraming tao, or medyo rough na lugar, mayroon din kaming replica ng crown,” ani Pia.
“Pero deserve ng Pilipinas ‘yung real deal, kaya dala po namin ‘yung tunay na korona. Literal na I brought home the crown. Sa lahat ng interviews ko, lagi kong sinasabi, ‘Don’t worry, I’ll bring home the crown.’ I’m glad that I was finally able to do it,” sabi ni Pia.
Ang Miss Universe diamond crown ay nagkakahalaga ng US$300,000 (mahigit P13 milyon). Idinisenyo ito ng Diamonds International Corporation na nasa Czech Republic.
Si Pia, 26, ang unang Miss Universe ng bansa sa nakalipas na 42 taon. Ang unang Pinay na Miss Universe ay si Gloria Diaz, na nanalo noong 1969, at sinundan ni Margie Moran noong 1973.
Sinabi pa ni Pia na excited na siyang makita ang kanyang fans sa kanyang homecoming parade bukas, Enero 25, at sa kanyang special tribute show sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City, sa Huwebes, Enero 28.
“Obviously gusto kong maging successful itong parade. Sana maraming pumunta, maraming lumabas, maraming manood. Also, I’m excited to see my Binibini sisters because ang tagal ko na silang hindi nakikita. And also, another thing is I’m excited for the tribute show. I don’t know what to expect, they haven’t been revealing much,” sinabi ni Pia sa panayam sa kanya ng ABS-CBN.
Itinakda kagabi ang salu-salo ni Pia sa kanyang Binibini sisters sa isang intimate dinner. Ngayong Linggo, makakaharap naman ni Pia ang mga miyembro ng local at foreign media sa isang grand press conference.
BAGONG BUHAY PARA SA MGA BATANG MAY BINGOT
Samantala, umaasa rin si Pia na sa pagiging Miss Universe 2015 ay makatutulong siya sa pagsusulong ng kamulatan sa pagtulong sa mga batang isinilang na may cleft lip at palate rito sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.
“As Miss Universe, I look forward to lending my voice and a helping hand to continue to raise awareness for children born with cleft lip and palate in the developing world, including my home country, the Philippines,” sabi ni Pia.
Inihayag ng Miss Universe Organization (MUO) at Smile Train, ang pinakamalaking cleft charity sa mundo, ang kanilang bagong charitable partnership upang isulong ang kamulatan sa mga usaping kinahaharap ng mga batang may bingot sa mahihirap na bansa.
Hindi lang nabubuhay sa kahihiyan ang milyun-milyong batang may bingot sa mahihirap na bansa, ngunit hirap din silang kumain, huminga at magsalita.
Isinusulong ng Smile Train ang pagsasanay sa maraming doktor sa mahihirap na bansa upang magkaloob ng libreng cleft repair surgery sa kani-kanilang komunidad.
Simula nang maitatag noong 1999, naoperahan at natulungan na ng Smile Train ang mahigit isang milyong may bingot sa iba’t ibang panig ng mundo.
Bukod kay Pia, marami pa ang celebrities na tumutulong sa Smile Train, kabilang ang aktres na si Marian Rivera, ang mga singer na sina Bette Midler at Reba McEntire, gayundin sina Howie Mandel, Erik Estrada, Stephen Colbert, Dean Cain, Christie Brinkley, Tatyani Ali, at maraming iba pa. (ROBERT REQUINTINA)