Sa pagsisimula ng kanilang finals series ay may hinahabol silang thrice-to-beat advantage na taglay ng topseed San Sebastian College dahil sa naitala nitong sweep noong elimination round.
Matapos ang dalawang laban sa finals, isang panalo na lamang ang kailangan ng College of St. Benilde upang umugit ng bagong kasaysayan sa NCAA volleyball.
Sa pangunguna ng mga beternaong sina Jannine Navarro at Jeanette Panaga katulong ang kakamping si Ranya Musa, muling pinataob ng Lady Blazers ang Lady Stags sa ikalawang sunod na laro,25-23, 21-25, 25-22, 25-16 upang makalapit sa asam nilang unang titulo sa women’s division ng NCAA volleyball sa finals ng Season 91 tournament sa San Juan Arena noong Biyernes ng hapon.
Kailangan na lamang ng Lady Blazers ng isa pang panalo sa muli nilang paghaharap ng Lady Stags sa darating na Martes.
“Nagbaligtad na ba? Ito na, sabi ko nga sa mga bata ,“ It’s about time na gumawa tayo ng history. History na tayo ang makakauna na magkaroon ng tatlong beses na panalo sa championship. Di ba kasi thrice-to-beat sila? And at the same time kami rin ang unang-unang, malay mo, na CSB na mag-champion sa indoor,” pahayag ni CSB coach Macky Carino.
“Ito na unti-unti ng nagkakatotoo.”
Nagsipagtapos sina Navarro, Panaga at Musa na may tig-16 na puntos para pangunahan ang Lady Blazers na dumaan pa sa dalawang playoff matches sa nakaraang stepladder semis kontra University of Perpetual Help at dating kampeong Arellano University para makaabot ng finals.
Sa men’s division, nakahirit naman ng winner-take-all Game Three ang University of Perpetual Help nang itabla nito ang finals series nila ng defending champion Emilio Aguinaldo College sa 1-1 matapos ang ipinosteng 20-25, 25-21, 25-20, 25-19 panalo noong Game Two.
Nagsanib puwersa sina Rey Taneo Jr. at Ranidean Abcede upang biguin ang balak na finals sweep ng Generals.
Umiskor si Taneo ng 16 puntos, 13 dito ay galing sa spikes habang nagdagdag si Abcede ng 9 hits, 4 blocks at isang ace para sa kabuuang 14 na puntos.
Nakauna pa ang Generals sa first frame, ngunit taliwas sa nauna nilang laban, mas naging malakas ang ipinakitang pagtatapos ng Altas.
Dahil dito, nawalan ng saysay ang game-high na 22-puntos mula kay reigning MVP Howard Mojica dahil hindi niya naihatid ang EAC sa asam na kampeonato. (Marivic Awitan)