MAGBUBUKAS ngayon ang 51st International Eucharistic Congress sa Cebu, 79 na taon makaraang idaos sa Maynila ang unang Eucharistic Congress sa Asia noong 1937.
May espesyal na lugar sa kasaysayan ng Simbahan ang Eucharistic Congress, isang pagtitipon ng mga pari, relihiyoso, at karaniwang tao, na tatayong saksi sa presensiya ni Kristo sa Eukaristiya sa pamamagitan ng mga open-air mass at iba pang seremonya. Ang unang Kongreso ay idinaos sa Lille, France, noong 1881, at ang mga sumunod ay isinagawa tuwing dalawa, tatlo, o apat na taon, maliban sa panahong umiiral ang dalawang digmaang pandaigdig.
Ang huli—ang 50th International Eucharistic Congress—ay idinaos sa Dublin, Ireland, noong 2012. Iyon ang naging pagtatapos ng Kongreso nang imbitahan ni Pope Emeritus Benedict XVI, sa kanyang mensahe sa video, ang mga mananampalataya sa susunod na pagtitipon na gagawin sa Cebu makalipas ang apat na taon.
Sinabi ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na ang Cebu Congress ay magsisilbi ring paghahanda para sa ika-500 anibersaryo ng evangelization sa Pilipinas sa 2021, o limang taon mula ngayon. Taong 1521 nang magtungo si Ferdinand Magellan sa mga isla ng bansa at malugod siyang tinanggap ni Haring Humabon, na kalaunan ay naging Kristiyano kasama si Reyna Juana at ng 400 nilang tagasunod.
Kaya naman sinimulan ng Pilipinas, ang tanging bansa sa Asia na Katoliko ang malaking bahagi ng populasyon, ang 2016 sa isang malaki at pangunahing pandaigdigang pagtitipon at selebrasyong relihiyoso. Positibo rin ang pagsisimula ng nakaraang taon, 2015, sa bansa sa pagbisita rito ni Pope Francis, na buong kasiyahan pa rin nating natatandaan hanggang sa mga araw na ito.
Nakalulungkot lamang na ang pagbisita ni Pope Francis noong Enero 2015 ay agad na nasundan ng trahedya sa Mamasapano, na ang unang anibersaryo ay gugunitain bukas. Muling bubuksan ngayong linggo ang imbestigasyon sa nasabing kaso sa Senado sa Maynila. Asahan na natin ang maraming kalungkutan, himutok, at galit sa isasagawang mga pagdinig.
Ngunit sa Cebu, magkakaroon tayo ng saganang pag-asa at debosyon sa 51st International Eucharistic Congress na may temang “Christ in You, Our Hope of Glory.”