Areglado na para sa Larong Volleyball ng Pilipinas Incorporated (LVPI) ang planong pagtatayo ng Philippine Sports Commission beach volleyball sand court sa gitna ng track and field oval sa Philsports track and football field.

Ito ang kinumpirma ni LVPI President Jose Romasanta kay PSC Chairman Richie Garcia habang nasa pagpupulong ng Philippine Olympic Committee (POC) Executive Committee noong Miyerkules.

“Itinanong lang naman sa akin ni Joey (Romasanta) kung delikado ba ang lugar at pahirap ba sa mga atleta. Other than that, wala naman silang pagtutol at natuwa pa nga sila dahil meron na silang training venue,” sabi ni Garcia.

Ipinaliwanag ni Garcia na walang magamit na sand court ang mga atletang nahihilig sa beach volleyball kung kaya nagdesisyon ang ahensiya na magpatayo ng sand court sa hindi nagagamit na lugar ng athletics field.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“We don’t have any beach volley court dito sa Maynila although may mga facilities but privately owned. Ang tanging venue natin para sa sports na beach volleyball ay nasa Cebu,” sabi ni Garcia.

Idinagdag pa ni Garcia na nais nitong palakasin ang larong beach volleyball na isang Olympic sports dahil malaki ang tsansa ng bansa na magwagi ng medalya at para din sa posibleng pagdaraos ng nasabing event bilang isa sa mga sports na ihahanay sa darating na hosting ng bansa ng 2019 SEA Games.

“Beach Volley is one event that is considered to be included in the 2019 SEA Games na gagawin uli dito sa atin,” sabi pa ni Garcia. (Angie Oredo)