Ilang oraw bago idaos ang itinakdang FIBA Olympic Qualifying Tournament sa darating na Martes sa House of Basketball sa Mies, Switzerland, makikipagpulong si Samahang Basketbol ng Pilipinas executive director Sonny Barrios kay FIBA sport and competitions director Predrag Bogosavljev upang talakayin ang mga kinakailangang gawin hinggil sa nakatakdang hosting ng bansa ng OQT sa Hulyo.
Kumuha ng appointment si Barrios sa dating Yugoslavian junior player sa utos na rin ni SBP president Manny V. Pangilinan na naghahangad na masimulan nang maaga ang paghahanda para sa Olympic qualifier hosting ng bansa.
Nagtakda rin ng pagpupulong ang SBP para kay Barrios at sa iba pang mga SBP officials sa kanyang pagbabalik sa bansa.
Iginawad ng FIBA ang isa sa tatlong hosting rights sa Manila habang ang dalawa pa ay napunta sa Belgrade (Serbia) at Turin (Italy) para sa tatlong qualifying tournaments na magkakasabay na idaraos sa nabanggit na tatlong siyudad kung saan maglalaban-laban ang 18 mga bansa at ito ay ang mga sumusunod: Angola, Canada, Czech Republic, France, Greece, Iran, Italy, Japan, Mexico, New Zealand, Philippines, Puerto Rico, Senegal, Serbia, Tunisia, Latvia, Croatia at Turkey na mahahati sa tatlong grupo matapos ang draw.
Paglalabanan nila ang nalalabing tatlong Olympic slots para sa Rio de Janeiro sa torneong magkakasabay na idaraos sa Hulyo 4-10.
Batay sa format, bawat anim na koponan sa tatlong grupo ay hahatiin sa dalawang pools kung saan ang bawat tatlong koponan kada bracket ay maglalaro ng single round robin at ang top two ay lalabanan ang katapat nila sa kabilang bracket sa cross-over semifinals kung saan ang mananalo ang maghaharap para pag-agawan ang minimithing Olympic berth.
“Mr. Pangilinan is leaving nothing to chance in making sure the staging of the OQT will be a huge success,” ani Barrios. “Concerns like formation of the LOC , venue, transportation, security, hotel accommodations, IT and media accreditation have also been calendared for discussion right after I return.”
Ang draw ay magaganap ng 6:30 ng gabi (oras sa Geneva) sa Enero 26 (1:30 ng madaling araw sa Pilipinas).
Muling magsisilbing venue para sa Manila OQT ang Mall of Asia Arena, ang venue kung saan naitala ng Gilas Pilipinas ang silver medal finish sa ilalim ni coach Chot Reyes noong 2013 FIBA Asia Championship para mag-qualify sa FIBA Basketball World Cup sa Spain nang sumunod na taon.
Ang anunsiyong ginawa ng FIBA sa pagpili nila sa Manila bilang isa sa mga host ng OQT ay maagang umakit sa interes ng maraming Filipino basketball fans na ngayon pa lamang ay nagsimula na magtanong kung paano at saan makakabili ng tiket para sa torneo at magkano mabibili ang mga ito kahit hindi pa nila alam kung sinu-sino ang mga makakalaban ng Gilas.
“The hosting fever has started,” ayon kay Barrios.