IKA-24 ngayon ng Enero sa kalendaryo ng Simbahang Katoliko, partikular na sa iniibig nating Pilipinas, isang mahalaga at natatanging araw ito sapagkat simula na ng 51st International Eucharistic Congress (IEC). Isang linggong gawain na idaraos sa Cebu City, ang tinatawag na Queen City of the Souh at itinuturing na pook na sinilangan ng Kristiyanismo sa ating bansa.
Ang 51st IEC ay makasaysayan sapagkat tuwing Enero rin ipinagdiriwang ang masaya, makulay at makahulugang kapistahan ng Sto. Niño sa Cebu City. Ang Cebu ay tinawag ding “Duyan ng Kristiyanismo” sa Asya. Batay ito sa kasaysayan na ang tinutukoy ay ang misa sa Cebu noong 1521 ni Padre Pedro Valderrama na kasama sa expedition ni Ferdinand Magellan at ang pagbibinyag kay Hara Amihan, asawa ni Raha Humabon.
Bininyagan si Raha Humabon gayundin ang 800 niyang mga tauhan. Niregaluhan ni Ferdinand Magellan si Reyna Juana ng imahen ng Sto. Niño at mula noon ay ipinagdiwang na ang kapistahan ng Sto. Niño bilang isang natatanging kapistahan tuwing ikatlong Linggo ng Enero.
Ang mga dadalo sa 51st IEC ay tinatayang aabot sa 15,000 delegado mula sa Pilipinas at sa iba’t ibang sulok ng mundo. Ang pagdaraos ng IEC ay ginaganap tuwing ikaapat na taon. Ang pinakahuli ay ginanap noong 2012 sa panahon ni Pope Benedict XVl. Ang pagiging punong-abala ng Pilipinas sa 51st IEC ay ikalawang pagkakataon na mula noong 33rd IEC na ginanap noong 1937. Nakatuon ito sa pagpapatibay ng pananampalataya ng mga Katoliko sa “tunay na presensiya” ni Jesus sa Eukaristiya.
Layunin ng IEC na palaganapin ang kahalagahan ng Banal na Misa na pinakasentro ng buhay at misyon ng Simbahang Katoliko. Bagamat ang mga Pilipinong Kristiyanong Katoliko ay matapat ang debosyon na ipinakikita sa mga nobena at pakikiisa sa mga prusisyon, ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, ang pagdalo sa Banal na Misa ay hindi lamang obligasyon kundi isang debosyon at paniniwala na si Kristo ay nasa anyo ng tinapay.
Ang 51st IEC ngayong Enero 24 hanggang Enero 31 ay natapat sa “Yearr of Mercy” at saklaw ng siyam na taong paghahanda sa ika-500 taong anibersaryo ng pagdating ng pananampalataya ng Kristiyanong Katoliko sa Pilipinas noong 1521. Ang lugar ng pagdarausan ng 51st IEC ay sa isang pavillion na ipinatayo ng isang mayamang Cebuano at ginastusan ng P550 milyon. Ayon kay Archbishop Emeritus Cardinal Vidal, naniniwala siya na magkakasiya sa IEC Pavillion ang 15,000 katao at iyon ay isang “milagro mula sa Diyos”. (CLEMEN BAUTISTA)