Isa-isa nang nawawalan ng trabaho ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa Middle East bunsod ng patuloy na pagbulusok ng presyo ng produktong petrolyo sa rehiyon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Blas F. Ople Policy Center President Susan Ople na maagang tinapos ng Profile Overseas Manpower Services, Inc. ang kontrata ng mahigit 50 OFW sa kanilang Saudi employer.

“The Saudi company that deals with oil and gas services, said its contract with the government will no longer push through hence the notice of termination,” ayon kay Ople.

Isa pang recruitment agency, ang LBS Recruitment Solutions, ang nasabihan na rin ng kliyente nito sa Qatar na hindi na ito tatanggap ng mga OFW dahil pansamantalang itinigil ang multi-biyong dolyar na construction project sa nasabing bansa.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Nangangamba si Ople sa patuloy na pagdami ng OFW na mawawalan ng trabaho sa Middle East dahil sa nararanasang pagbagsak ng ekonomiya sa rehiyon bilang resulta ng pagbulusok ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Base sa ulat ng CNN, sinabi ni Ople na bumaba na sa $30 per barrel benchmark ang presyo ng langis sa unang pagkakataon matapos ang halos 12 taon.

Nanawagan din si Ople sa gobyerno na maghanda na ng isang protocol upang matugunan ang pangangailangan ng mga OFW na maaapektuhan ng oil price crisis sa Middle East.

“If a company in the Middle East lays off a significant amount of Filipino workers because its projects have been put on hold by the government, what would be the protocols to be followed by our labor attaches and private recruitment agencies to ensure that the rights of these workers would be protected?” tanong ni Ople.

“This is a new frontier and there has to be tripartite consultations to come up with proper guidelines and clearer rules,” dagdag niya. (Samuel Medenilla)