Inihayag ng Commission on Election (Comelec) na mahigit 43,000 botante ang hindi makakaboto sa Mayo 9, dahil hindi sumailalim sa biometrics ang mga ito sa nakalipas na voters registration.

Sa forum sa Caloocan City Police Station, sinabi ni Election Officer Dinah Valencian na malaking bilang ng mga botante ang hindi nakapag-biometrics nitong Oktubre 31, 2015, kaya hindi sila maaaring bumoto.

“Wala po kasi ‘yung mga picture nila at hindi puwedeng name lang ng voters ang nakalagay sa master list. Kaya nga po ang sabi ng main office ‘no bio, no boto’,” ani Valencia.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Nasa 32,000 botante na hindi nakapag-biometrics ang mula sa District 1, habang 13,000 naman sa District 2.

Base sa datos, umaabot sa mahigit 800,000 ang botante sa Caloocan City, at pangatlo ito sa may pinakamaraming populasyon sa Maynila at Quezon City.

Nag-aalala si Valencia na maaaring pagmulan ito ng gulo lalo pa’t kilala ang mga taga-Caloocan na loyal sa kanilang mga kandidato.

Sinabi pa ni Valencia na maglalagay ng help desk ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na gagabay sa mga botante na nahihirapang mahanap ang kanilang pangalan sa polling precinct.

Tiniyak naman ni Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan Police, na handa ang kanyang mga tauhan sa problemang kakaharapin ng Comelec at sa gulong may kinalaman ang pulitika. (Orly L. Barcala)