TUBIGatLANGIS_13-2 copy

MAGBABALIK-TAMBALAN sina Zanjoe Marudo at Cristine Reyes, kasama si Isabelle Daza, para bigyang buhay ang isang natatanging kuwento na magpapakita ng tibay ng mag-asawa, tatag ng pamilya, at halaga ng tunay na pag-ibig sa pinakabagong serye ng ABS-CBN na Tubig at Langis simula Pebrero 1 (Lunes).

Kilalanin si Irene (Cristine), isang babaeng sumumpang gagawin ang lahat sa ngalan ng buo at masayang pamilya. Bata pa lamang ay iniwan na siya ng kanyang ina at ang kanyang ama naman ay may kinasamang iba.

Buong akala ni Irene ay mabubuo niya ang kanyang pangarap sa katauhan ng unang pag-ibig na si Jaime. Ngunit sa kasamaang palad, ang lalaking gusto niyang makasama habambuhay ay nauna nang nangako ng pag-ibig sa ibang babae.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Sinubukan ni Irene na kalimutan si Jaime pero nag-iwan ito ng hindi mabuburang alaala -- ang anak nila na si Myko.

Pagkaraan ng ilang taon, masayang nabubuhay si Irene kasama ang anak nang muling kumatok ang pag-ibig sa kanyang puso. Muli niyang makakadaupang-palad ang kababatang si Natoy na kalauna’y nag-alok ng kasal sa kabila ng kanyang dalagang ina.

Sa wakas ay natupad na buong pamilya na matagal niyang inasam. Ngunit paano kung bumigay si Natoy sa isang gabi ng kahinaan? Paano poprotektahan ni Irene ang kanyang pamilya?Mapagtatagumpayan ba ng mag-asawa ang pag-ibig na tila tubig at langis?

Kasama rin sa cast ng Tubig at Langis sina Vivian Velez, Lito Pimentel, Nadia Montenegro, Marco Gumabao, Ingrid dela Paz, Dionne Monsanto, Archie Alemania, Victor Silayan, at Miguel Vergara. Ito ay mula sa direksyon ni FM Reyes.