Nanawagan ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa pamumuno ng kanilang pangulo na si Manny V. Pangilinan, sa lahat ng mga organisasyon na magsumite ng updated Membership Information Sheet (MIS), kaakibat ang mga dokumento na magpapatunay na nakapagdaos sila ng mga kinakailangang bilang ng mga torneo sa nakalipas na dalawang taon bilang paghahanda sa darating na SBP general elections sa Abril.
Nauna nang nag-anunsiyo si Pangilinan, chairman ng PLDT at Smart, noong nakaraang Oktubre na bababa na siya sa kanyang puwesto makaraang makapagsilbi ng dalawang termino .
Lahat ng mga kailangang “requirements” ay maaaring ipadala ng mga miyembro sa Nominations and Membership Committee sa tanggapan ng SBP sa unang palapag ng Philippine Sports Commission Building A sa Philsports Complex sa Meralco Avenue, Pasig City hanggang 5:00 ng hapon ng Enero 25.
Para sa mga katanungan, maaaring tumawag kay Glenda Casupanan sa telepono - 706-2969 at 0998-960-4167 o kaya’y magpadala ng email sa [email protected].
Kasalukuyang naghahanda ang SBP para sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Hulyo matapos igawad ng International Basketball Federation ang isa sa tatlong hosting rites ng mga nalalabing Olympic qualifiers.
(Marivic Awitan)