PINASINAYAAN at binuksan na nitong Enero 20 ang Pililla Wind Farm na itinayo sa may 60 ektaryang lupain sa Sitio Mahabang Sapa, Barangay Halayhayin, Pililla, Rizal. Ang Pililla Wind Farm ay proyekto ng Alterenergy Philippine Holdings Corporation na ang chairman ay si dating Department of Energy (DoE) Secretary Vince Perez. May 27 wind turbine ang Pililla Wind Farm na nakalilikha ng 54 megawatt na kuryente. Nakapagbibigay ng supply ng kuryente sa 66,000 kabahayan sa nasabing lalawigan. Ang hangin sa itaas ng Sitio Mahabang Sapa, Bgy. Halayhayin ay may lakas na 36 na kilometro kada oras. Natatanaw sa kinatatayuan ng Pililla Wind Farm ang Laguna de Bay at mga bayan sa Rizal na nasa baybayin ng lawa. Ang pagtatayo ng Pililla Wind Farm, na ginastusan ng $145 million, ay itinuturing na isa sa pinakamalaking investment sa lalawigan.
Naging panauhing tagapagsalita si Rizal Governor Rebecca Nini Ynares na ipinakilala ni Pililla Mayor Leandro Masikip. Naging mga panauhin din sina Rizal Vice Governor Frisco Popoy San Juan, Jr., Laguna Lake Development Authority (LLDA) General Manager at Presidential Adviser for Environmental Protection Secretary Neric Acosta, Rizal board member Arling Villamayor, mga miyembro ng Sanggunian Bayan ng Pililla, Sanggunian Barangay member ng Halayhayin sa pangunguna ni Barangay Captain Reynato Juan, Dr. Ofelia Sta. Maria, Tourism Officer ng Pililla, Mayora Anna Masikip, mga opisyal at tauhan ng 2nd Infantry Division sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal at iba pa.
Sa mensahe ni Rizal Governor Ynares, pinasalamatan niya ang Alterenergy Corporation sa pagpili sa Rizal upang pagtayuan ng Pililla Wind Farm. Ang pagbubukas ng wind farm ay naging pagkakataon din para sa lalawigan sapagkat ang Rizal ay isa na sa tourist destinations. Nang tanungin niya noong Lunes si Pililla Mayor Masikip at kumustahin ang Pililla Wind Farm, natuwa siya sa isinagot ni Mayor Masikip na hindi lamang bawat minuto kundi bawat segundo ay may dumarating na lokal at dayuhang turista. Sinabi pa ni Gov. Ynares na sa pag-akyat niya sa wind farm, nakita niya na marami nang nagtitinda sa daan paakyat sa Pililla Wind Farm. Tinapos ni Gov. Ynares ang kanyang mensahe sa panawagan na anuman ang nagawa sa alterenergy na sagot sa climate change, inaasahan niya ang lahat na makikiisa sa pagpapalaganap ng malinis at luntiang kapaligiran.
Ayon naman kay Plillla Mayor Masikip, nagpapasalamat siya sa Alterenergy Corporation sa pagkakatayo ng Pililla Wind Farm sa kanilang bayan. Natutuwa sila sapagkat may malaking benipisyo ito sa Pililla. Maraming lokal at dayuhang turista ang nagpupunta sa Pililla. Ang Pililla Wind Farm ay magkakaroon pa ng phase 2. Nasa 40 wind turbine unit ang idadagdag sa naitayong 27 wind turbine na ngayon ay nakapagbibigay na ng kuryente at pinakikinabangan na ng lalawigan. (CLEMEN BAUTISTA)