Sa ilang buwang nalalabi sa administrasyon, binabalak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na buhayin ang “no physical contact policy” sa paghuli ng mga lumalabag sa batas trapiko sa Kamaynilaan.

Sinabi ni MMDA chairman Emerson Carlos na ang muling pagpapatupad sa polisiya ay kabilang sa mga pag-uusapan sa susunod na pagpupulong ng Metro Manila Council sa Pebrero.

“The policy was previously enforced in catching over speeding motorists in key areas in the metropolis,” sabi ni Carlos.

Hindi tulad ng manual ticketing, ang mga lumalabag ay hindi paparahin sa ilalim ng “no physical contact policy.”

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Gagamit ang ahensiya ng mga digital camera na ibibigay sa mga traffic enforcer at closed circuit television (CCTV) camera na nakakalat sa Kamaynilaan upang makunan ang paglabag ng mga motorista.

Kasunod nito ay magpapadala ang MMDA ng summon of violation sa mga motorista at sa Land Transportation Office.

Itinigil ang pagpapatupad nito kasunod ng mga reklamo ng mga pinarusahan nang hindi nila nalalaman.

Ngunit sa pagkakataong ito, ayon kay Carlos, nais ng ahensiya na hulihin ang mga lumalabag, sa pamamagitan ng polisiya, sa beating the red light, lane obstruction at yellow lane sa ilalim ng bus segregation scheme.

“We do not want to the vehicle tagging scheme complied by public utility drivers to go to waste,” sabi ni Carlos.

Ang vehicle tagging ay nangangahulugan ng pagpipintura ng license plate number sa bubungan, harapan, likuran at magkabilang tagiliran ng pumapasadang PUV.

Bukod dito, sinabi ni Carlos na nais din nilang pakinabangan nang husto ang mga CCTV na nakakabit sa buong Kamaynilaan.

Sa kasalukuyan, may 400 CCTV, na pinamamahalaan ng Metrobase, na nakaantabay sa sitwasyon ng trapiko sa kabisera.

(ANNA LIZA VILAS-ALAVAREN)