Iginiit ni Marines Lt. Col. Ferdinand Marcelino, dating opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na nagsasagawa siya ng cover operation nang siya at ang isang Chinese ay maaresto sa drug bust sa isang laboratoryo ng shabu sa Sta. Cruz, Maynila, noong Huwebes.
Kasamang kinasuhan ni Marcelino si Yi Shou Yan, na naaresto rin sa isinagawang raid, at si Atong Lee at isa pa na kilala lamang bilang “Chu”, dahil sa umano’y paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Habang isinasailalim sa inquest proceedings, itinanggi ni Marcelino na kilala niya si Yan at sinasabing nasa shabu laboratory siya bilang bahagi ng isang misyon na isinekreto ng militar.
“Kaya ko kayong tingnan nang diretso sa mata…ginagawa ko lang aking trabaho,” emosyonal na inihayag ni Marcelino.
“Ito ang kabayaran sa aking pagmamahal sa bansang ito,” dagdag niya.
Iginiit ng opisyal na binigyan siya ng mission order ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) para manmanan ang mga kilos ng drug syndicate at ang kanyang “handler” ay si Philippine Army chief Lt. Gen.
Eduardo Ano, na dating nakatalaga sa ISAFP.
Samantala, pinabulaanan ng Malacañang ang mga ulat na si Marcelino ay tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
“Lt. Col. Ferdinand Marcelino is not and has never been an operative detailed to the PAOCC,” sabi ni Reginald Villasanta, PAOCC executive director.
Ito ay bilang reaksiyon ng Palasyo sa mga ulat na si Marcelino ay tauhan ng PAOCC, na pinamumunuan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr.
“Our records likewise show that no ongoing PAOCC operations involve Lt. Col. Marcelino,” saad naman sa pahayag ni Ochoa.
Noong Huwebes, naaresto sina Marcelino at Yi sa isang drug-bust operation sa Maynila at nakasamsam ang mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Illegal Drugs Group at PDEA ang mahigit P320 halaga ng shabu. (LEONARDO POSTRADO)