Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na pumalo sa 1.3 hanggang 1.4 milyon ang overseas absentee voter na nagparehistro para makaboto sa eleksiyon sa Mayo 9.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, ang naturang bilang ay doble sa absentee voters na nagparehistro noong 2013 polls.
Sapat, aniya, ang naturang bilang para makagawa ng pagbabago sa resulta ng eleksiyon, lalo na kung mahigpit ang laban ng mga kandidato.
“Kung talagang tight ang laban, talagang they can make a difference,” dagdag pa ni Bautista.
Sa kabila naman nito, inamin ni Bautista na ang tunay na hamon ay ang mapaboto talaga ang absentee voters sa halalan.
Batay sa record ng Comelec, ang overseas absentee voters’ turnout noong 2007 at 2013 midterm polls ay 16 na porsiyento lamang.
Umabot naman sa 65 porsiyento ang mga bumoto noong 2004 presidential polls, habang nasa 26 na porsiyento naman ang bumoto noong 2010 presidential race.
May isang buwan ang absentee voters para makaboto, o mula Abril 9 hanggang Mayo 9, na araw ng halalan sa Pilipinas.
Binibigyan din ang absentee voters, na malayo ang tirahan mula sa embahada, ng pagkakataon na mag-avail ng postal voting. (Mary Ann Santiago)