PINARANGALAN kamakailan ng Senado si editor-in-chief Letty Jimenez-Magsanoc ng Philippine Daily Inquirer. Tatlong resolusyon ang nilikha nito na ang may akda ay sina Senate President Drilon, Sen. Coco Pimentel at Sen. Legarda para sa layunin nito at bilang pakikiramay na rin sa kanyang mga naulila.
Kinilala ng senado ang mahabang serbisyo ni Magsanoc sa bansa sa larangan ng pamamahayag at hindi matatawarang serbisyo sa taumbayan.
“Hindi ito bagay na nais niyang kilalanin,” wika ng kanyang anak na si Kara Magsanoc-Alikipala. “dahil natural niya itong ginagawa parang paghinga.” Pero ang kanyang ginawa aniya ay hindi maliit na bagay sa ating paningin. Siya ay makabayan at bayani, ayon kay Karla.
Talagang nararapat para kay Magsanoc ang karangalang iginawad sa kanya ng senado. Sa ginawang ito ng senado, kinakatawan niya ang mamamayang Pilipino. Malaki ang utang na loob ng sambayanan sa kanya.
Ang kalayaan sa pamamahayag ang pinakamabisang armas ng mamamayan laban sa kanilang mga abusado at mapang-aping pinuno. Kahit sino, anuman ang katayuan niya sa buhay at lipunan, ay puwedeng gumamit at gamitin ito. Kaya, ang sinumang nagnanais na agawin ang kapangyarihan ng mamamayan, ang unang ginagawa ay supilin ang kanilang kalayaan sa pamamahayag. Ganito ang ginawa ni Pangulong Marcos nang itatag niya ang diktadurang pamamahala sa pamamagitan ng paggamit niya sa kanyang kapangyarihang militar. Nang ipataw niya ang batas-militar sa buong bansa, kaalinsabay sa pagdakip niya sa mga alam niyang kalaban niya, ay ang pagsara sa lahat ng istasyon at opisina ng media. Isa istasyon lamang ng telebisyon at tanggapan ng diyaryo ang kanyang binuksan, ilang araw pagkatapos niyang ideklara ang Martial Law. Gamit niya ang mga ito sa pakikipag-ugnayan niya sa mamamayan.
Pero, hindi ito tinanggap ni Magsanoc at kauri niyang mamamahayag na nagmamahal sa kanilang propesyon at tapat sa kanilang inakong tungkulin sa bayan. Kahit mapanganib, ipinaglaban nila sa abot ng kanilang makakaya ang kalayaan ng mamamayang mamamahayag. Ang ilaw ng kalayaang kumukutitap na noon ay hinandugan nila ng kanilang buhay upang huwag itong mamatay. Ang tanging armas na kanilang ginamit laban sa balang nais nang tuluyan patayin ang ilaw na ito ay ang kanilang pluma at ang nagbabagang puso para sa inang bayan. (RIC VALMONTE)