NAGAWA ni Senator Juan Ponce Enrile, sa pulong kamakailan ng bicameral conference committee para sa National Budget, na makapagdagdag ng P10 bilyon sa Philippine Air Force para sa pagbili ng mga kinakailangang jet aircraft para sa bansa.
Dumalo ang senador sa pulong ng conference committee kasama ang mga kapwa senador na sina Ralph Recto at Paolo Benigno “Bam” Aquino III at ilang grupo mula sa Kamara, nang punahin niya ang kakapiranggot na budget para sa pambansang depensa at seguridad, partikular sa harap ng tumitinding tensiyon sa South China Sea.
Kalaunan, nagawa niyang kumuha ng P4 bilyon mula sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), P5 bilyon mula sa Conditional Cash Transfer (CCT) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at P1 bilyon mula sa President’s Contingency Fund—na may kabuuang P10 bilyon. Idagdag pa ang P1 bilyon na inilipat ni Sen. Loren Legarda mula sa Reproductive Health program, may kabuuang P11 bilyon ang nadagdag sa budget ng PAF. Ang orihinal na budget ng Department of National Defense na P116 bilyon ay itinaas na sa P127 bilyon.
Sa nakalipas na mga taon, binatikos ng mga kritiko ang seguridad ng Pilipinas bilang isa sa pinakamahihina sa bahaging ito ng mundo. Sa desperadong pagtatangka na mapanatili ang presensiya nito sa pinag-aagawang bahagi ng South China Sea, kinailangan pa nating gumamit ng isang palyado nang barko ng Pilipinas para gawing base ng mga tauhan ng Philippine Marines. Kamakailan lang nagawa ng PAF na makabili ng mga jet fighter mula sa South Korea upang idagdag sa mga jet trainer plane nito, bukod pa sa isang eroplanong de-elisi.
Marahil dahil higit kanino mang miyembro ng Kongreso, dahil na rin nagsilbi siyang defense minister ni Pangulong Marcos, nauunawaan ni Senator Enrile ang pangangailangan para sa isang malakas na depensa ng bansa, hindi lamang para harapin ang mga bantang panlabas kundi upang higit na mapangasiwaan nang mabuti ang panganib na maidudulot ng mga armadong rebeldeng grupo sa Mindanao.
Ang P11 bilyon na naidagdag nina Senator Enrile at Senator Legarda sa budget ng PAF ay lubhang katanggap-tanggap para sa kabuuang depensa ng bansa. Posible ring makakuha tayo ng tulong mula sa United States, alinsunod sa Enhanced Defense Cooperation Agreement, na kamakailan ay kinilala ng Korte Suprema ang legalidad, ngunit dapat na karagdagan lamang ito sa sarili nating pondo at kakayahan, na maituturing na haligi ng depensa ng Pilipinas.