Sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Ariel Inton na hindi mag-aatubili ang ahensiya na patawan ng P5,000 multa ang mga jeepney driver na maniningil nang sobra sa P7 provisional fare.

“Singilin natin sila nang tama,” pahayag ni Inton sa panayam sa radyo.

“Ang 50 sentimos na overcharging ay katumbas na P5,000 penalty.”

Upang makaiwas sa multa, hinikayat ni Inton ang mga jeepney driver na maghanda ng panukli at huwag magkunwaring walang alam sa provisional fare cut na ipinatutupad ng ahensiya ngayong linggo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nanawagan ang opisyal sa mga pasahero na isumbong sa kanilang tanggapan, sa pamamagitan ng LTFRB Hotline 1342, ang mga jeepney driver na maniningil ng higit sa itinakdang pasahe na P7.

Maaari nilang ipaalam sa ahensiya ang plaka ng jeepney at kung posible, pati na rin ang pangalan ng driver.

Aniya, nagpakalat na rin sila ng mga inspector upang tiyakin na tumutupad ang mga jeepney driver sa ipinatutupad na fare rollback.

Bukod sa P5,000 multa, sinabi ni Inton na maglalabas din ang LTFRB ng show cause order upang pagpaliwanagin ang driver at operator na manininigil nang sobra sa pasahe. (Czarina Nicole O. Ong)