Kibungan accident-2_comanda_220116 copy

CAMP DANGWA, Benguet - Patay ang isang babaeng head teacher, habang sugatan naman ang 10 estudyante at dalawang guro matapos na paatras na tumagilid sa kalsada ang sinasakyan nilang truck sa may Sitio Bangbangany, Barangay Palina, Kibungan, Benguet nitong Huwebes ng umaga.

Nabatid na ang Elf truck (UJV-464) na minamaneho ni Jetson Cayad-an ay may lulan na 27 mag-aaral at apat na guro ng Kibungan Elementary School, para dumalo sa Scout Jamboree sa karatig-bayan ng Bakun nang mangyari ang aksidente, dakong 10:00 ng umaga.

Kinilala ni Senior Supt. Florante Camuyot, officer in charge ng Benguet Police Provincial Office, ang namatay on-the-spot na si Julieta Sibayan Danio, 55, ng Poblacion, Kibungan, Benguet, at head teacher ng Palina Elementary School.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Ayon kay Camuyot, nagkaroon ng mechanical defect ang truck habang paahon sa papaliko at pataas na kalsada hanggang sa nawalan ng kontrol ang driver at umatras ang truck bago tumagilid sa kalsada.

Sinabi ni Senior Insp. James Acod, hepe ng Kibungan Police, na nasugatan ang 10 estudyante at ang mga gurong sina Dominga Liwayan at Daniel Pascaden, principal, at isinugod sa Benguet General Hospital sa La Trinidad.

Nasa kostudiya na ng pulisya si Cayad-an at kakasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide and multiple injuries. (Rizaldy Comanda)