Sisikapin ng Filipino mixed martial artist na si Kevin “The Silencer” Belingon na tanghaling kampeon sa kanyang pagsagupa ngayong Sabado kay Bibiano “The Flash” Fernandes sa ONE Bantamweight World Championship.

Bitbit ni Belingon ang record na 13-4-0, panalo-talo-tablang kartada, sa nakamit niyang world title shot laban sa popular at beteranong kampeon na si Fernandes (18-3-0) sa limang round na sagupaan na gaganapin sa Helong Stadium sa Changsha, China.

Hindi lamang asam ng 28-anyos na si Belingon, tubong Ifugao Province, na makamit ang matamis na tagumpay kundi maipakita sa buong mundo ang kahusayan ng mga Filipino sa combat sports.

Aminado si Belingon na sapul nang sumali siya sa ONE Championship at sumabak sa mga inoorganisang laban apat na taon ang nakaraan na ang laban niyang ito kay Fernandes ang inaasahan niyang makapapagdulot ng malaking pagbabago sa kanyang buhay.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Una nang nagwagi si Belingon sa unang round kontra sa Russian wrestler na si Yusup Saadulaev noong 2012 bago tinalo sa ikalawang laban si Thanh Vu ng Australia. Pinalasap din nito ng kabiguan ang dating walang talo na si David Aranda Santacana sa pamamagitan ng isang matinding suntok.

Dahil sa naitalang mga panalo kung kaya naman kinonsidera si Belingon bilang “most promising Filipino mixed martial arts artist” na siya ring nagbigay sa kanya ng tsansang harapin si Fernandes.

Ngunit inaasahang nahaharap si Belingon sa matinding pagsubok dahil hindi pa nabibigo si Fernandes sa nakalipas na limang taon kontra sa mas mabibigat na kalaban. (ANGIE OREDO)