Umaasa ang Department of Transportation and Communication (DoTC) na mapapabuti na ang serbisyo ng Metro Rail Transit (MRT) sa libu-libong pasahero nito sa pagdating ng mga bagong bagon kamakailan.

Subalit kung ang MRT Holdings, Inc. (MRTH), ang mother company ng MRT Corporation ang tatanungin, sinabi nitong hindi ligtas gamitin ang mga bagong bagon.

“We feel this is a danger to the riding public. Not to mention a danger to the system itself. It might destroy the MRT system itself, that we own,” pahayag ni MRTH Chairman Robert Sobrepeña.

Iginiit ni Sobrepeña na wala ring track record sa paggawa ng kahalintulad na tren ang mga Chinese company na Dalian Locomotive at Rolling Stock Co., Ltd., na nag-supply ng mga bagong bagon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“That means this is a guinea pig that we are testing... I wouldn’t ride it. I wouldn’t risk my life on an LRV (light rail vehicle) manufactured by a company that’s never made such an LRV,” babala ni Sobrepeña.

Bagamat magsisimula nang bumiyahe ang mga bagong bagon sa loob ng dalawang buwan, sinabi ng MRTH na hindi pa rin nakukumpleto ang test run ng mga bagong bagon.

Aniya, kailangang tumakbo muna ng 5,000 kilometro sa test run sa China ang mga prototype at bagong bagon bago ang mga ito dinala sa Pilipinas, subalit hindi ito naisagawa.

Kinuwestiyon din ni Sobrepeña ang three-year maintenance contract na ipinagkaloob sa Busan Consortium, na kinabibilangan ng Busan Transportation Corporation, Edison Development & Construction, Tramat Mercantile, Inc., TMI Corp. Inc., at Castan Corp.

Aniya, ang mga consortium partner ng gobyerno ay wala ring track record sa aspeto ng mass transportation system.

(CNN Philippines)