Ipinauubaya na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pulisya ang kasong kinahaharap ni Marines Lt. Col Ferdinand Marcelino, na naaresto nitong Huwebes sa isang shabu laboratory sa Sta. Cruz, Maynila.

Sinabi ni Col. Noel Detoyato, AFP-Public Affairs Office chief, na hindi makikialam ang AFP sa kaso at hindi kukunsintihin ang sino mang lumalabag sa batas, gaya ni Marcelino.

Kasamang naaresto ni Marcelino si Yan Yu Shou, 33, Chinese, dating PDEA agent, sa joint operation ng PNP-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA na nakakumpiska ng tinatayang 64 na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P320 milyon.

Mariing itinanggi ng AFP na may official mission si Marcelino sa pagsalakay sa pinaniniwalaang shabu laboratory sa panulukan ng Felix Huertas at Batangas Streets sa Sta. Cruz, Maynila, noong Huwebes ng madaling araw.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Una nang sinabi ni AFP Chief Gen. Hernando Iriberri na walang awtoridad si Marcelino na mag-operate laban sa droga.

Kaugnay niyo, isang dating agent ng PDEA ang nagsabing ilang tauhan ng PNP at AFP ang sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga.

Sinabi ni Jonathan Morales, dating PDEA agent, na naniniwala siyang posibleng mayroon pang ilang operatiba ng PNP at AFP ang protektor ng ilegal na droga sa bansa.

Ayon kay Morales, bago ang raid nitong Huwebes ay nakatatanggap na sila ng impormasyon na sangkot si Marcelino sa nasabing shabu laboratory. (FER TABOY)