TATLONG araw bago ko sinulat ang kolum na ito ay lumuwas ako ng Maynila. May dadalawin akong isang malapit na kamag-anak sa Cubao na ayon sa pasabi ay malimit na raw “ipinagbibilin” ng Diyos. Meaning, muntik-muntikan nang matigok.

Buhat sa terminal na binabaan ko sa Doroteo Jose sa Maynila ay naglakad ako ng bahagya. Inisip ko kung saan ako sasakay at kung ano ang sasakyan ko. At bigla, dinagukan ako ng mga problema.

Nagputukan kasi sa mga balita ang kung anu-anong nangyayari sa mga commuter at nag-isip ako.

Kung sasakay ako ng MRT, ayon sa litrato sa mga balita ay parang nasa loob ka umano ng lata ng sardinas sa dami ng pasahero. At sa edad kong ito, naisip ko na baka mabangga ako nang mabangga ng mga kapwa ko pasahero at mabali ang tadyang ko at baka dumating ako sa pupuntahan ko ng naka-wheel chair. Naisip ko ring sumakay ng dyip, ngunit sa mga nakikita ko, daig pa ang eroplano sa bilis at baka sa nerbiyos pa lamang ay matigok na ako. Sa bus naman ay ganoon din.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

At nagdesisyon akong mag-taxi. Pero naisip ko rin bigla ang mga nababalitang maraming barumbado at talamak ang pangongontrata ng mga driver ng taxi. Hindi ba’t kamakailan lamang ay nabalitang dahil sa pakikipagtalo sa pasahero ay sinampal at halos gulpihin ng taxi driver ang pasahero niyang babae? At may kaso rin na dahil din sa hindi pagkakaintindihan ay sinamurai ng isang taxi driver ang kanyang pasahero.

Kung may nanggugulpi at nagsa-samurai sa mga taxi driver, siguradong mayroon ding holdaper. At tumindi ang aking takot. Pero kabado man ay nagbakasakali pa rin akong pumara ng taxi patungong Cubao.

Ang driver ay mukhang Abu Sayyaff. Hindi ngumingiti. Pormal na pormal at parang kapag nagkamali ka ng tanong ay dudunggulin ang nguso mo. Parang kahit na si Max Alvarado kung nabubuhay pa ay matatakot sa hitsura nito. Nagpatuloy kami ng biyahe. Sanay ang driver at mabilis kaming nakarating sa pupuntahan ko. Nang itanong ko ang babayaran ko ay tiningnan lamang niya ang metro at iyon ang siningil sa akin. Binigyan ko ng buong P500 at sinuklian ako nang tama.

Nang abutan ko ng kaunting tip ay nakangiting tinanggap kasunod ng nahihiyang sabi: “Maraming salamat po, sir!”

Mayroon mang barumbadong taxi driver, meron din namang matino. Huwag natin silang isumpang lahat. (ROD SALANDANAN)