Inihayag ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na hindi pa rin sumusuko ang ilang senador sa panukalang P2,000 pension hike ng Social Security System (SSS) na hindi inaprubahan ni Pangulong Aquino.

Sinabi ni Escudero na isang draft resolution ang umiikot ngayon sa Senado na nangangalap ng lagda ng mga senador, at dito nakasaad ang pangangailangan na ma-override ang pag-veto ng Pangulong Aquino sa naturang panukala.

“(The resolution expressing the) sense of the Senate to override the veto. Ang ibig sabihin nun, ito ang pananaw at tingin ng mga senador bagaman alam at kinikilala namin ang proseso na dapat magmula ito sa Kamara,” ayon kay Escudero.

Subalit todo-tanggi ang senador na siya ang pasimuno sa naturang hakbang.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“I won’t claim that resolution (came from me). If I claim it, many might not sign. Its authors would be the ones to sign,” aniya.

Kailangan ng Senado at Kamara ang two-thirds vote para ma-override ang veto ng Pangulo sa panukala.

Kailangan din aniyang maging inisyatibo ng Kamara ang hakbang sa override dahil ito ang pinanggalingan ng panukala bago ito tinalakay ng Mataas na Kapulungan.

Samantala, hindi pinaboran ni Escudero ang paniniwala ni Senate President Franklin Drilon na ang resolusyon sa override ay may kulay-pulitika at puntirya nitong mailagay si Pangulong Aquino sa alanganin.

Iginiit ni Escudero na dapat magpaliwanag ang leader ng Senado kung bakit hindi na ito interesadong isulong ang naturang usapin bagamat isa ito sa mga unang naghayag ng suporta sa P2,000 pension hike bill. (Hannah L. Torregoza)