ANG Dinagyang ay salitang Ilonggo para sa pagdiriwang. Ito ay tinukoy noong 1977 ng Ilonggong manunulat at broadcaster na si Pacifico Sudario upang ilarawan ang napakasayang selebrasyon. Bago ito, ang Iloilo Dinagyang Festival ay tinatawag na “Iloilo Ati-Atihan” upang bigyang-diin ang kaibahan nito sa iba pang kapistahan ng Ati-Atihan.
Ang Dinagyang Festival ay isang relihiyosong at kultural na pagdiriwang sa Iloilo City upang bigyang-pugay ang Santo Niño. Idinaraos ito tuwing ikaapat na Linggo ng Enero, o pagkatapos ng Sinulog sa Cebu at Ati-Atihan Festival sa Kalibo, Aklan. Bagamat hindi ito kasing kakaiba ng selebrasyon sa Kalibo, Aklan, mayroon itong kahanga-hangang sayaw at nakatutuwa ang mga costume ng mga tribung kalahok na nagtatampok ng pagiging orihinal, mahusay sa detalye, at malikhain ng mga Ilonggo.
Nasa ika-48 taon na ngayon, ang Dinagyang Festival 2016 ay opisyal na inilunsad noong Oktubre 2015 sa paglagda sa isang memorandum of agreement sa pagitan ng pamahalaang lungsod ng Iloilo, ng Iloilo Dinagyang Foundation, Inc., at ng San Jose Parish Church. May temang “Beyond Fun, Beyond Fame, and Beyond Borders,” ang Dinagyang Festival ngayong taon ay patuloy na magiging makulay at muling magiging agaw-pansin ang mga costume at tradisyunal na sayaw na bibida rito. Masusumpungan ng mga dadayo para sa nasabing kapistahan ang pagkakatong mailantad ang kani-kanilang sarili sa lokal na kultura at makilala at maging kaibigan ang mga residente habang sinasaksihan ang araw-araw na pamumuhay sa siyudad. Pangunahing tampok sa pagdiriwang ang Ati-Ati Competition, ang Kasadyahan Cultural Competition, ang Luces in the Sky, ang Dinagyang Pageant, ang foot at fluvial procession, at ang relihiyosong sadsad o pag-indak sa kalye.
Kabilang sa iba pang mga aktibidad ang mga cultural presentation, sports competition, at iba’t iba pang side events.
Ang debosyon sa Santo Niño ay ipinakilala ni Rev. Fr. Ambrosio Galindez sa mga Ilonggo noong Nobyembre 1967, sa pamamagitan ng mga karaniwang novena at misa bilang pagbibigay-pugay kay Niño Hesus. Ang unang kapistahan ng parokya para kay Señor Santo Niño ay ipinagdiwang makalipas ang dalawang taon noong 1969. Pangunahing tampok dito ang fluvial procession na ang imahen sa napapalamutiang bangka ay ipinuprusisyon mula sa bukana ng Iloilo River sa Fort San Pedro, hanggang sa kapitolyo ng Iloilo at pabalik sa San Jose Parish Church.
Inaasahan ng mga organizer na mapaninindigan ng Dinagyang ang reputasyon nito bilang pangunahing kapistahan sa bansa, na pinagkakaabalahan ng buong komunidad—kapwa ang publiko at pribadong sektor na nagtutulungan, habang pinananatili ang pagiging isang relihiyosong selebrasyon para bigyang-pugay si Niño Hesus. Dapat din na mapanatili ng Dinagyang Festival ang pag-akit sa mga turista patungo sa Iloilo City at mismong lalawigan.