Idineklara with finality ng Sandiganbayan Third Division na may probable cause sa mga kasong inihain laban kay dating Chief Justice Renato Corona kaugnay ng umano’y pagsisinungaling nito sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).
Sa 28-pahinang resolusyon, ibinasura ng Third Division ang motion for reconsideration na inihain ni Corona na humiling na baligtarin ang resolusyon ng korte noong Agosto 13, 2015 na nagdedeklarang may sapat na ebidensiya upang siya ay kasuhan ng eight counts of perjury at eight counts of violation ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.
“The Court finds the accused’s motion for reconsideration devoid of merit,” saad sa resolusyon na isinulat ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang at kinatigan nina Associate Justices Alex Quiroz, Jose Hernandez at Ma. Theresa Dolores Estoesta.
Itinakda ng anti-graft court ang pagbasa ng sakdal kay Corona sa Enero 26, 2016, 1:30 ng hapon.
Ipinaliwanag ng korte na ang mga isyu na inihayag ni Corona ay dati nang tinalakay ng akusado sa kanyang inihaing motion for judicial determination for probable cause at ito ay ikinonsidera at inaprubahan ng korte sa isang resolusyon. (Jeffrey G. Damicog)