Inako man niya ang responsibilidad sa madugong operasyon ng pulisya sa Mamasapano, Maguindanao, hindi pa rin maaaring ipakulong si Pangulong Aquino dahil sa palpak na implementasyon nito.
Ito ang iginiit ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr. na nagsabing walang nilabag sa batas si Aquino nang ilunsad ang anti-terror operation sa Mamasapano noong Enero 25, 2015.
“Malinaw po ang paninindigan ng Pangulo, sa lahat ng pagkakataon ay ginagawa niya ‘yung tama at makatuwiran at makatarungan para sa ating mga mamamayan,” pahayag ni Coloma sa panayam sa radyo.
Iginiit din ni Coloma na hindi binalewala ng Pangulo ang prinsipyo ng chain of command sa Mamasapano operation.
Tinukoy ng opisyal ang unang pahayag ni noo’y Justice Secretary Leila de Lima na nagsabing hindi kabilang si PNoy sa chain of command dahil hindi nito saklaw bilang commander-in-chief ang isang civilian agency na tulad ng Philippine National Police (PNP).
Sa halip, mayroong ganap na kontrol ang Pangulo sa mga ahensiya ng Ehekutibo, tulad ng Department of Interior and Local Government.
Ito ay matapos ihayag ni Sen. Juan Ponce Enrile na malinaw na may pananagutan si Aquino sa pumalpak na operasyon sa Mamasapano, na 44 na tauhan ng PNP Special Action Force ang brutal na pinatay ng mga elemento ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). (Genalyn D. Kabiling)