ANG patuloy na pagbaba ng pandaigdigang presyo ng langis ay maituturing na regalo ng langit sa ating bansa na umaangkat ng petrolyo. Mula sa $120 kada bariles sa pagitan ng 2011 at 2014, bumagsak na sa $52 ang presyo nito noong 2015. Dahil nabawasan ang pandaigdigang pangangailangan at pagsigla ng hindi pangkaraniwang produksiyon nito, partikular na ang shale oil sa Amerika, patuloy na bumubulusok ang presyo, at bumaba pa sa $28 nitong Lunes kasabay ng pagbawi sa Western sanctions sa Iran kaya pinahintulutan ang bansa na muling mag-export ng langis, sa unang pagkakataon sa nakalipas na mga taon.
Bumaba rin ang presyo ng gasolina, diesel, at iba pang produktong petrolyo sa Pilipinas. Dahil dito, umapela ang mga jeepney operator na ibaba ang pasahe. Dahil sa mas mababang gastusin sa transportasyon, asahan na rin natin ang pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin na nagmumula sa mga lalawigan. Maaari na rin tayong umasa na bababa na rin maging ang singil sa kuryente at mga serbisyo, gayundin sa manufactured goods.
Ngunit ang pagbulusok ng pandaigdigang presyo ng langis ay hindi pawang kabutihan ang dulot sa atin, dahil sa magiging epekto nito sa mga overseas Filipino worker (OFW), na 2.5 milyon ang nasa Saudi Arabia at sa iba pang bansa sa Gitnang Silangan na petrolyo ang pangunahing produkto. Habang bumababa ang kita ng mga bansang ito sa langis, kakailanganin nilang limitahan ang mga pagawaing imprastruktura at iba pang programa, kaya naman libu-libong OFW na construction worker ang tiyak nang maaapektuhan. Mababawasan din ang kita ng mga Pilipinong health care worker.
Sa Gitnang Silangan nagmumula ang 20 hanggang 25 porsiyento ng mga OFW remittance. Ang remittances na ito, na malaki ang papel sa pagpapanatili sa ekonomiya ng Pilipinas, ay bubulusok din. Binubuo nito ang mahalagang bahagi ng Gross National Product (GNP) ng bansa na ang pagtaas ay ipinagmamalaki ng administrasyong Aquino bilang isa sa mga tagumpay nito.
May isa pang masamang epekto ang pagbulusok ng pandaigdigang presyo ng langis sa ekonomiya ng Pilipinas. Ang anumang pagbaba sa presyo ay nangangahulugan ng mas mababang singil sa buwis at koleksiyon ng customs, partikular na sa Value-Added Tax (VAT). Sinasabing bumaba na ng P30 bilyon ang koleksiyon ng VAT.
Ang patuloy na paggalaw ng pandaigdigang presyo ng langis ay may napakalaking epekto sa ating bansa. Sinasabing kung ang pandaigdigang presyo ay mananatili sa pagitan ng $40 at $50 kada bariles, mas malaki ang magiging pakinabang kaysa lugi ng Pilipinas. Ngunit kung bumaba pa ang presyo sa $20, ang pagkaunti ng remittances ay tiyak nang makaaapekto sa ating pambansang ekonomiya.
Wala tayong kontrol sa pandaigdigang presyo ng langis, ngunit dapat na simulan na natin ngayon pa lang ang paglikha ng mga plano sakaling patuloy pa itong bumulusok. Dahil pangunahing maaapektuhan nito ay ang ating mga OFW, marapat lang na pagtuunan ng pansin ang posibilidad na magsiuwian dito ang milyun-milyon sa mga manggagawang ito na tiyak nang mangangailangan ng trabaho. Sa totoo lang, dapat na matagal na natin itong ginawa—sa pamamagitan ng isang programa sa trabaho na hindi lamang nakatuon sa turismo at serbisyo, gaya ng mayroon tayo ngayon, kundi sa manufacturing at sa agrikultura, na may pinakamalalaking potensiyal sa ating bansa.