Tinataya sa P320 milyon halaga ng shabu ang nakumpiska, habang pitong katao, kabilang ang isang Marines colonel at dalawang Chinese, ang naaresto matapos salakayin ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang drug laboratory sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni PDEA Undersecretary Director General Arturo G. Cacdac, Jr. ang mga inaresto na sina Marines Lt. Col. Ferdinand Marcelino, dating drug buster ng PDEA; Yan Yi Shou, alyas Randy, na pawang nasa kinaroroonan ng shabu laboratory.
Dinakip din ang mga umano’y manggagawa sa laboratoryo na sina Melanie Maryan, 27; Daisy Decio, 20; Marcos Bruno, 48; at Kun Huang, alyas Levy, 36, isang Chinese.
Base sa report, armado ng search warrant na ipinalabas ng korte, dakong 1:00 ng umaga nang salakayin ng PDEA at Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) ang naturang shabu laboratory sa 1143 Bambi Street, General T. De Leon, Valenzuela City.
Nakumpiska sa raid ang 64 na kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng P320 milyon, isang Toyota Camry (XEV-665) at 3 gamit sa laboratoryo.
Samantala, dalawang drug courier mula sa Mindanao ang nasamsaman ng mga operatiba ng PDEA ng 20 kilo ng shabu sa San Andres Bukid sa Maynila, dakong 11:00 ng gabi nitong Miyerkules, sa buy-bust operation ng ahensiya. (JUN FABON)