CAGAYAN DE ORO CITY — Pinasinungalingan ng militar noong Miyerkules ang presensiya ng mga miyembro ng teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Hilagang Mindanao.

Naglabas ng pahayag si Capt. Patrick Martinez, tagapagsalita ng 4th Infantry Division ng Army, upang alisin ang mga agam-agam na nagkaugat na ang ISIS sa rehiyon.

“Our intelligence community has not reported the presence of ISIS in the region, although the military and police are not taking chances,” sabi ni Martinez.

Ayon sa kanya, pinaigting ng militar at pulisya ang intelligence gathering sa rehiyon upang siyasatin ang mga teroristang grupo, partikular na ang mga miyembro ng ISIS.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Gayunman, sinabi ni Martinez na umaapela rin ang militar sa mga sibilyan na maging mapagmatyag at mag-ingat laban sa mga kahina-hinalang grupo o mga aktibidad sa kanilang lugar.

Tiniyak ni Martinez na agad tutugon ang militar sa anumang uri ng pagbabanta na maaaring may kaugnayan sa presensiya ng pinaghihinalaang teroristang grupo saanmang bahagi ng Hilagang Mindanao.

Sakop ng 4ID ang 10 lalawigan at 12 lungsod, kabilang na ang port capital city ng Cagayan De Oro sa Hilagang Mindanao. (PNA)