Ang presidential candidates na sina Senator Grace Poe at Vice President Jejomar Binay na lang ang pinagpipilian ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada na susuportahan niya sa presidential elections sa Mayo.

Sa pagdiriwang ng ika-115 anibersaryo ng Manila Police District (MPD) nitong Miyerkules, sinabi ni Estrada na hindi totoo ang balitang si Mar Roxas ang kanyang mamanukin sa eleksiyon sa kabila ng napaulat na sinabi niyang si Roxas ang pinakakuwalipikado para maging susunod na pangulo ng Pilipinas.

“Hindi naman niya ako (Roxas) sinuportahan sa Maynila,” ani Erap.

Gayunman, sinabi ni Estrada na hindi pa siya makakapagdesisyon sa ngayon dahil sa pangambang kapwa madiskuwalipika sina Binay at Poe.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Hihintayin pa umano niya na makumpleto ang pag-iimprenta ng mga balota ng Commission on Elections (Comelec) bago siya pumili ng ieendorsong kandidato sa pagkapangulo.

Sinabi pa ni Estrada na magkakaiba naman sila ng kanyang pamilya ng susuportahang kandidato, tulad ni San Juan City Mayor Guia Gomez, na sinuportahan si Roxas.

Pero tiniyak ni Estrada na susuportahan pa rin niya si Gomez sa kandidatura nito sa pagkaalkalde ng San Juan.

(Mary Ann Santiago)