Mahigit 5.3 milyong banyaga ang bumisita sa Pilipinas nitong 2015 upang magliwaliw, 10.91porsiyentong mas mataas kumpara sa 4.8 milyong dumating na turista noong 2014, sinabi ng Department of Tourism (DoT).

Ito ang inihayag ni Tourism Undersecretary Arturo Boncato sa media briefing sa ASEAN Tourism Forum 2016 sa Pasay City nitong Miyerkules.

Sa South Korea pa rin nagmula ang pinakamalaking bulto ng inbound tourist ng 2015 sa 1.3 milyon na bumubuo sa 24.9% ng foreign arrival noong nakarang taon. Sinusundan ito ng United States of America, Japan at China, na rumehistro ng double digit growth.

Ang top 10 na pinagmulan ng inbound tourist ay kinumpleto ng Australia, Singapore, Taiwan, Malaysia, Canada, at United Kingdom.

Internasyonal

Mga Pinoy na ilegal na naninirahan sa Amerika, binalaan ng PH Ambassador

Halos kalahati ng mga dumating ay nagmula sa north Asian market, na kinabibilangan ng Korea, Japan, China, Taiwan, Hong Kong at Macau.

Iniugnay ni Boncato ang trend na ito sa mga bagong merkado na naabot ng DoT at paglalagda ng mga bagong mga air agreement.

Sa pagtaas ng foreign arrival, sinabi ng DoT na ang industriya ng turismo ay nakalikom ng $5 billion at nakalikha ng halos 4.9 milyong trabaho noong nakaraang taon.

“Tourism industry in the Philippines today accounts for 1 in every 10 jobs in the economy or 12.7% share in the total employment according to our Philippine Statistic Authority,” ani Boncato.

Sinabi ng DoT na target nito ang 6 na milyong banyagang turista ngayong taon. (Samuel Medenilla)