barrios -16 photo copy

Nakatakdang magtungo sa Geneva, Switzerland si Samahang Basketbol ng Pilipinas executive director Sonny Barrios sa Lunes upang dumalo sa isasagawang “draws” para sa 2016 FIBA Olympic Qualifying Tournaments na gaganapin nang magkakasabay sa Hulyo 4 hanggang 10 sa tatlong magkakaibang bansa.

Noong nakaraang Miyerkules ng madaling araw, mainit na tinanggap ng mga Filipino basketball fans ang anunsiyo ng International Basketball Federation (FIBA) na isa ang Pilipinas sa napili nilang maging host ng OQT kasama ng Turin (Italy) at Belgrade (Serbia) dahil sa tinatayang pagpapalakas nito sa tsansa ng Gilas Pilipinas na umabot ng Olympics na huling nagawa ng bansa noon pang 1972 Munich Games.

Ang 18 qualifiers na maglalaban-laban para sa tatlong nalalabing slots sa Rio de Janeiro Olympics sa Agosto ay ang Angola, Canada, Czech Republic, France, Greece, Iran, Italy, Japan, Mexico, New Zealand, Philippines, Puerto Rico, Senegal, Serbia, Tunisia , isang buhat sa EuroBasket 2015 at FIBA World Ranking, Latvia, Croatia at Turkey.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Tig-limang koponan, matapos ang draw na gaganapin sa “The House of Basketball” sa FIBA headquarters sa Mies, ang magtutungo sa kanilang destinasyon kung saan sila sasamahan ng host team para sa kani-kaniyang qualifiers.

Ihahayag na lamang ang itatakdang classification rules sa draws.

“We in SBP are very happy for our Filipino basketball fans who will witness world class competition in this FIBA Olympic Qualifier,” ani Barrios. “SBP president MVP worked hard to win the hosting bid for the benefit and enjoyment of the millions of Pinoy fans and to once again showcase the Filipino’s talent in successfully organizing and hosting such a prestigious international sporting event.”

Ang 20,000 capacity Mall of Asia Arena, kung saan ang Gilas Pilipinas na noo’y nasa ilalim ng paggabay ni coach Chot Reyes noong 2013, ay nagwagi ng silver medal at nag-qualify sa FIBA Basketball World Cup sa Spain ng sumunod na taon ang muling magsisilbing venue para sa torneo.

Ang Pala Alpitour naman sa Turin na may kapasidad na 16,600 ang magiging home court ng Italian national team habang ang mga Serbian naman ay inaasahang pupunuin ang 22,240 capacity ng Kombank Arena sa Belgrade. (Marivic Awitan)