KALIBO, Aklan — Walong miyembro ng isang pamilya ang nahilo matapos uminom ng tubig mula sa isang balon sa Barangay Rosal, Libacao, Aklan.

Kinilala ang mga biktima na sina Alex Cortes, 39; asawang si Maricel, at mga anak na sina John Rey, 17; Mitsa, 11; Alexa Mae, 8; Ara Mitchelle, 6; Ann Fairy, 4, at Ann Mary, 3.

Ayon kay Maricel, ilang oras bago sila uminom ng tubig sa balon ay may nakitang dalawang armadong lalaki sa lugar.

Bukod sa pagkahilo ay dumanas din ng pananakit ng tiyan ang mag-anak kayat nagtungo sila sa Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital sa bayan ng Kalibo.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Naniniwala ang pamilya Cortez na nilason ang balon dahil matagal nang problema ang away-pamilya sa kanilang bayan.

Nitong nakaraang taon, pumirma sa isang kasunduan ang mga pamilyang sangkot sa rido sa ipinatawag na pulong ng lokal na pamahalaan ng Libacao.

Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito. (JUN N. AGUIRRE)