Tatlong pulis at isang station commander na nanguna sa pagdakip sa dating ministro ng Iglesia Ni Cristo (INC) na si Lowell Menorca sa Malate, Maynila nitong Miyerkules ang ipinatawag ng mga opisyal ng Manila Police District (MPD) upang magpaliwanag kaugnay ng nasabing operasyon.

Humarap kahapon ng umaga si Supt. Edilberto Leonardo, hepe ng Pandacan Police Station sa General Assignment Investigation Section (GAIS) ng MPD bilang bahagi ng standard operating procedure pagkatapos ng bawat operasyon ng pulisya. Inaasahang isinumite na rin niya kahapon ang kanyang formal statement sa pagdakip sa dating opisyal ng INC.

Aniya, ang kanyang pahayag ang pagbabasehan para matukoy ng mga opisyal ng MPD kung nagkaroon ng iregularidad sa nasabing operasyon na maaaring pagbatayan ng mga kasong posibleng isampa laban sa kanya at sa kanyang mga tauhan sakaling mapatunayang nagkaroon ng mga paglabag.

Samantala, nagbigay na ng kani-kanilang pahayag sa operasyon ang tatlong dumakip kay Menorca na sina PO3 Arnel Santos, PO2 Dennis Ramos, at PO2 Samson Sison, miyembro ng Pandacan Station tracker team, sa GAIS kaugnay ng pag-aresto bunsod ng isang kasong libelo mula sa Lanao del Norte.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Idinepensa ng Leonardo ang pagsasagawa nila ng operasyon nang hindi nakasuot ng uniporme at binanggit na hindi kailanman siya nag-silbi ng arrest warrant ng nakasuot ng uniporme sa 13 taong serbisyo niya sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Samantala, isa pang kasong libel ang iniharap laban kay Menorca mula sa Marawi City, na ipinalabas ni Judge Wenida Papangayan, ayon kay Ermita Police Station Commander Albert Barot.

Sinabi naman kahapon ng kampo ni Menorca na magsasampa sila ng kontra asunto sa mga pulis na umaresto sa dating ministro.

Iginiit ni Atty. Trixie Cruz-Angeles, abogado ni Menorca, na ilegal ang pagdakip sa kanyang kliyente, na kinasuhan pa ng mga pulis ng resisting arrest, direct assault at obstruction of justice.

Bukod sa hindi naka-uniporme at hindi nagpakita ng ID, hindi rin umano bitbit ng mga pulis ang kopya ng arrest warrant laban kay Menorca, ayon kay Angeles.

May ulat ni Leonard Postrado (JENNY F. MANONGDO)