DAPAT lamang asahan ang pagbubunsod ng mga reporma sa iba’t ibang sekta ng relihiyon upang manatiling sagrado ang mga patakaran na ipinatutupad ng mga ito. Kabilang sa pagsisikap na ito ang Simbahang Katoliko na patuloy sa paglikha ng kanais-nais na impresyon hindi lamang sa mga alagad ng Simbahan kundi maging sa mga mananampalataya.
Magugunita na mismong si Pope Francis ang paulit-ulit na nagpapahayag na walang puwang sa Simbahang Katoliko ang mga alagad nito na nagdudulot ng nakadidismayang gawain sa pagtupad ng kanilang sagradong misyon. Kahit minsan ay hindi humingi ng paumanhin si Pope Francis kaugnay sa sinasabing pagmamalabis ng ilang pari na idinadawit sa sexual harassment. Ang mga ganitong insidente ay nagaganap hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang bansang Katoliko. Ito, at marami pang iba, ay bahagi lamang ng mga reporma na inilulunsad ng Simbahang Katoliko.
Maging si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ay nagpapatupad din ng mga reporma upang manatiling sagrado ang misyon ng Simbahan. Isa rito ang pagbabawal sa pagsingil ng fixed rates sa mga canonical certificates mula sa mga parokya. Ibig sabihin, ang sistema ng pagbabayad ng baptismal certificates, confirmation certificates, marriage certificates, wedding banns at iba pa ay kailangang boluntaryo na lamang sa panig ng mga parishioners.
Sa ganitong paraan, mapapawi ang mga impresyon na ginagawang negosyo ang mga aktibidad sa Simbahan. Ito ang nais baguhin ni Archbishop Villegas, na siya ring presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).
Tama lang naman na ang mga pagbebendisyon at mga sakramento ay hindi binabayaran.
Isa pang maituturing na reporma sa Simbahan ang pagbabawal pumalakpak pagkatapos ng misa. Isang pari ang nagpanukala na hindi katanggap-tanggap ang pagpalakpak, lalo na kung ito ay iniuukol sa mga VIPs at sa mga nagdadaos ng kaarawan. Maliban na lamang kung ito ay nakaukol sa pagdakila sa Diyos.
Marapat lamang na panatilihing sagrado ang mga patakarang ipinatutupad sa mga simbahan. (CELO LAGMAY)