SA mga natitirang buwan ng administrasyong Aquino, makabubuti kung ikokonsidera ang panawagan ni Sen. Ralph Recto na punuan ang daan-daang libong bakanteng posisyon sa gobyerno.
Sa 1,513,695 permanenteng posisyon sa gobyerno, sinabi ng senador na nasa 1,295,056 lamang ang okupado.
Nangangahulugan ito na may 218,639 na bakanteng posisyon sa iba’t ibang departamento, kawanihan, at komisyon sa pamahalaan. Bukod pa rito ang maraming puwesto—hindi pa tukoy ang aktuwal na bilang—sa mga lokal na pamahalaan at mga korporasyong pag-aari ng gobyerno.
Pinakamarami ang bakante sa Department of Education, na nangangailangan ng 62,320 bagong guro; at ang Department of Health, na kapos naman sa 21,118 health worker. Kailangan namang punan ng Philippine National Police ang 22,685 slot. Ang Hudikatura ay may 9,914 vacancy; ang Department of Environment and Natural Resoures, 9,675; ang Commission on Audit, 7,752; ang Department of Agriculture, 4,633; at ang Department of Public Works and Highways, 1,396. At ilan lamang ang mga ito sa may pinakamararaming bakanteng posisyon.
Sa panahong napakaraming Pilipino ang nangangailangan ng trabaho, kaya naman nasa 5,000 sa kanila ang umaalis sa bansa araw-araw upang magtrabaho sa ibayong-dagat, dapat na gawin ang lahat ng paraan upang mapagkalooban sila ng mga hanapbuhay. Hindi kailangang mapunan ang lahat ng bakanteng puwesto sa gobyerno, ngunit magiging malaking tulong na kung makapagtatalaga ng mga tauhan sa mga posisyong ito.
Sa katotohanan, dapat na mga pribadong kumpanyang komersiyal at industriyal ang dapat na maging pangunahing tagapagkaloob ng trabaho, ngunit kailangan nila ang tulong ng gobyerno sa paraan ng mga insentibo at paghimok sa pagtatatag ng mga negosyong humihimok ng pribadong pamumuhunan.
Marso 2015 nang ihayag ni President Obama ng United States ang programang lilikha ng trabaho na tinatawag na TechHire Initiative. Sa $100 million halaga ng mga bagong pamumuhunan, makakaugnayan ng gobyerno ang 20 komunidad na nagtutulungan, katuwang ang mga national employe, sa pagkuha ng serbisyo at pagsasanay ng mga manggagawa sa mga larangan ng teknolohiya at iba pang in-demand sa ngayon. Kalaunan, inihayag din ng administrasyon ang paligsahan sa pinakamahuhusay at makabagong paraan upang maiugnay ang mga Amerikano sa magagandang trabaho sa teknolohiya at iba pang larangan.
Kung ang isang bansang kasing unlad ng Amerika ay nauunawaan ang pangangailangan sa isang programa sa paglikha ng trabaho para sa mamamayan nito, ang isang bansang gaya ng Pilipinas ay dapat na higit na makita ang pangangailangan ng mga Pilipino sa isang programang tulad nito. Bukod sa pagpuno sa mga bakanteng posisyon na mayroon sa gobyerno ngayon, inirekomenda rin ni Senator Recto na pag-aralan ng gobyerno at tukuyin ang lahat ng posibilidad upang makalikha ng trabaho, at kung kinakailangan, ay sanayin ang mga Pilipino para sa mga hanapbuhay na ito.