Hindi natuloy ang pinakahihintay na pagbubunyag ng pinatalsik na ministro ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Lowell Menorca laban sa maimpluwensiyang sekta sa Court of Appeals (CA) matapos siyang arestuhin ng pulisya dahil sa kasong libelo na inihain sa Mindanao.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kanyang petisyon para sa Writ of Amparo, sinabi ng mga abogado ni Menorca na ipinaalam sa kanilang kampo ng CA Seventh Division, pinamumunuan ni Associate Justice Magdangal de Leon, na ipinagpaliban ang hearing sa ibang petsa matapos arestuhin ang kanilang kliyente habang patungo sa appellate court.

At dahil hindi makadadalo si Menorca sa pagdinig, nagdesisyon ang mga mahistrado na suspendihin ang pagdinig at ipagpatuloy na lamang sa Enero 26.

Samantala, ikinagulat ni Trixie Cruz-Angeles, abogado ni Menorca, ang pagkakaaresto sa dating ministro dahil hindi man lang daw sila naimpormahan ng korte na naglabas ng arrest warrant.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Surprising ang timing nito, inaresto sya kung kelan sa a-appear sa Court of Appeals para magtestify tapos wala kaming notice o impormasyon sa warrant na yan tapos sa Mindanao pa ang korte,” pahayag ni Angeles.

Kasama ni Menorca ang kanyang pamilya sa pagtungo sa tanggapan ng CA sa Maynila nang arestuhin ng mga tauhan ng Pandacan Police Station.

Hinarang umano ng mga pulis, na nakasuot sibilyan, ang kanilang sasakyan at isinilbi ang arrest warrant na inilabas ng Lanao del Norte Regional Trial Court (RTC) Branch 21 dahil sa kasong libelo. (LEONARDO POSTRADO)