AYON sa isang pag-aaral, na ipinatupad sa England, tungkol sa epekto ng pollution sa tao, sinubukang palakarin ang isang tao sa baybayin ng dagat at ikinumpara sa napiling lansangan ng London, habang may mga aparatong nakasilid sa bulsa. Napag-alaman na sa parehong normal na paghahakbang, ang pagtaas sa pitik ng puso kapag nasa gitna ng mga sasakyan ay dahil sa nakapipinsalang buga ng tambutso.
Batid din ng mga doktor na kung ihahambing ang baga ng mga taga-probinsiya at Metro Manila (MM), maitim ang taga-lungsod. Ang asthma, allergic rhinitis, sipon, ubo ay tripleng bumibisita sa MM kasabay gastusin sa gamot. Kabilang din ang pagkalason sa “lead” na naaamoy ng ating mga anak sa pagbuga ng maitim na usok na nagmumula sa mga bus, kotse, at jeep na kadalasang sangkap ay gasolina.
Epekto nito ang pagka-bobo ng ating mga mahal sa buhay, dahil sa naiiwang lamat sa utak. Dahan-dahang nagigising ang taumbayan, particular na ang ilang opisyales, na ang tunay na suliranin sa MM ay hindi trapik kundi ang pagsikip ng espasyo sa kawalan ng plano at hindi napipigilang paglobo ng populasyon. Sa halip na ipasabog ang kaunlaran sa buong Pilipinas, ayaw lubayan ang 30 km kwadradong espasyo ng MM na naka-sentro lahat ng proyekto, negosyo, pamumuhunan, trabaho, pabrika, at ano pa, kasama ang pagpabor sa Luzon, kesa sabuyan ng “kalahating-kapatid” ang Visayas at Mindanao.
Epekto nito ang tumitindi at lalong lumalalang trapik sa mga susunod na taon. Ayon kay John Forbes ng American Chamber of Commerce, “Dahil sa traffic hindi na maaaring matirhan ang MM sa loob ng apat na taon”. Sa listahan ng 30 pinakamasikip na lungsod sa mundo, 8 ang nasa MM! Tinalo pa natin ang India na 6 lang, kahit 1.2 bilyon ang kanilang populasyon.
Kung “national average” pagbabatayan sa Pilipinas, mabibilang sa 334 katao bawat kilometro kwadrado. Sa bayan ng Calbayog, Samar 181. Sa MM ay 42,857 katao bawat kilometro-kwadrado na! Ang may sala? Ang mga pulitikong pabaya o nagpapabayad sa negosyante.
Ang huli, umaastang boss sa “zoning, land use, urban planning,” kung saan naisin magpatayo ng mall, condominium at iba pa na siguradong sagabal sa daloy ng trapiko. Ito ang gumagapang na maling modelo ng kaunlaran sa Baguio, Iloilo, Cebu, Bacolod at iba pa. (ERIK ESPINA)