Sinabi ng Malacañang na napabuti ang sistema ng koleksiyon ng Social Security System (SSS) sa ilalim ng administrasyong Aquino, kasunod ng pagbatikos ng mga kritiko sa ahensiya sa kabiguang mapatino ang mga delingkuwenteng kumpanya na hindi nagre-remit ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Iginiit ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, Jr.na nag-improve ang sistema ng koleksiyon ng SSS.
Sinabi ni Coloma na mula 2000 hanggang 2011, o sa 11 magkakasunod na taon, nagkaroon ng contribution deficit ang SSS.
Gayunman, aniya, simula 2012 hanggang Oktubre 2015 ay nakapagtala ang ahensiya ng contribution surplus na aabot sa halos P10 bilyon.
“Kaya hindi naman siguro matatawaran ‘yung performance ng SSS management na sinikap, pinag-ibayo ‘yung efficiency ng koleksiyon nila, inayos ‘yung operating expenses nila, kaya naiayos din ‘yung financial condition ng SSS,” paliwanag ni Coloma.
Dagdag pa ni Coloma, nadagdagan pa ang actuarial life ng investment reserve fund ng SSS sa 2042, mula sa unang taya na 2039, sa nakalipas na limang taon sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Una nang tiniyak ng Palasyo na hindi pinababayaan ang kapakanan ng mga senior citizen, sinabing bagamat tinanggihan ng Presidente ang panukala sa P2,000 SSS pension hike, marami nang benepisyo ang naipagkaloob sa mga senior citizen, kabilang ang mandatory PhilHealth coverage, ang “augmented social pension” alinsunod sa 2010 Expanded Senior Citizens Act; at ang limang porsiyentong dagdag sa SSS pension simula 2014. (Madel Sabater-Namit)