Gaya ng dati, sumandig ang defending champion Emilio Aguinaldo College kay reigning MVP Howard Mijica upang pangunahan ang koponan sa 25-22, 14-25, 25-14, 25-16,paggapi sa University of Perpetual at makalapit sa asam na ikalawang sunod na men’s title noong Martes ng hapon sa pagsisimula ng NCAA Season 91 volleyball tournament Finals sa San Juan Arena.

Nagposte si Mojica ng game-high 22 puntos na kinabibilangan ng 17 hits at 4 na blocks upang pangunahan ang nasabing panalo ng Generals sa Game One ng kanilang best-of-3 series habang nag-ambag naman ang mga kakamping sina Hariel Doguna at Kerth Melliza ng tig-12 puntos.

Tabla matapos ang unang dalawang sets, nagsimulang magtrabaho si Mojica sa third sets hanggang sa fourth set upang ganap na makopo ang panalo.

“He’s not our team captain for nothing,” pahayag ni EAC coach Rodrigo Palmero patungkol kay Mojica.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa kababaihan, ipinalasap naman ng College of St. Benilde ang unang pagkatalo ng San Sebastian College ngayong season matapos nilang makaungos sa Game One,24-26, 25-21, 25-19, 25-13.

Binigo ng Lady Blazers ang tangkang sweep ng Lady Stags at ni reigning MVP Grethcel Soltones upang palakasin ang kanilang tsansa sa korona.

Nabalewala ang 27-puntos na produksiyon ni Soltones matapos sapawan ng pinagsanib na 42 puntos nina Jeanette Panaga (23) at Janine Navarro (19) na siyang nanguna sa Lady Blazers para ibaba ang kanilang laban sa best-of-3 series.

Nauna nang umusad ang San Sebastian sa finals na may bentaheng thrice-to-beat matapos mawalis ang siyam na laro nila sa eliminations.

Matapos maiwan sa first frame, nagsagawa ng kaukulang adjustment ang CSB sa huling tatlong sets upang masilat ang Lady Stags.

Ang panalo, ang ikatlong sunod para sa St. Benilde matapos ang elimination round matapos magwagi sa dalawang playoff matches kontra Univeristy of Perpetual Help at Season 90 champion Arellano University. (Marivic Awitan)