KAHAPON, hindi masyadong busy si Boy Commute at ‘tila tinamaan na naman ng tililing.
At dahil sa tanghali pa ang kanyang appointment, naisipan niyang mag-detour sa kanyang regular na ruta patungong opisina sa Maynila.
Nakatira siya sa bandang Parañaque City.
Dakong 9:00 ng umaga, rumatsada na si Boy Commute sakay sa kanyang scooter.
Ilang araw na ring nangangati si Boy Commute na masilayan o madaanan nang personal ang laging sentro ngayon ng usapan—ang makasaysayang Epifanio de los Santos Avenue (EDSA).
Hindi pakay ni Boy Commute na sariwain ang February 1986 People Power Revolution. Nabubulunan na raw siya sa usaping pulitika.
Sa panonood ng balita sa telebisyon, naging curious siya sa pagkakalagay ng plastic barrier sa maraming bahagi ng 23.8-kilometrong highway.
Sa tindi ng trapik araw-araw sa EDSA, siguradong mauubusan kayo ng kuwento ng kasama mo sa sasakyan. Sa tindi ng trapik sa EDSA, halos mabaliw ka sa kakaalala kung makararating ka sa itinakdang oras sa iyong destinasyon.
Sakay sa kanyang scooter at may nakakabit na 360-degree camera sa helmet, gumapang si Boy Commute sa EDSA patungong Makati. Singit dito, singit doon, personal na niyang nakita ang pagdurusa ng mga motorista habang naiipit sa trapiko.
Nasa pampasaherong bus man o nasa magarang SUV, pantay-pantay lahat sa trapik dahil sabay-sabay kayong gumagapang sa EDSA.
Walang kawala, walang exempted.
Ngunit pakay ni Boy Commute ang maobserbahan ang mahabang linya ng mga plastic barrier na inilagay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) upang maihiwalay ang mga pribadong sasakyan sa mga pampasaherong bus na may eksklusibong yellow lane.
Subalit nakatutulong nga ba ang mga plastic barrier?
Tinahak ni Boy Commute ang north at southbound lane ng EDSA. Sa unang bahagi ng northbound lane mula sa Magallanes hanggang sa Buendia Avenue ay wala siyang nakitang plastic barrier.
Pagsapit sa Buendia, bumalik siya upang masilayan ang daloy ng mga sasakyan sa EDSA southbound. At doon nakaposisyon na ang mahabang linya ng plastic barrier.
Sa kaliwang panig ng plastic barrier ay mga private vehicle na usad-pagong.
Sa kanan nito ay sobrang luwag ng traffic, mabibilang sa daliri ang bus na dumaraan.
Napapailing sa pagkadismaya si Boy Commute sa estratehiyang ito ng pamahalaan.
Kung nais ninyong makita ang “Eksena sa EDSA” video sa Facebook, i-like ang Manila Bulletin page, na roon mapapanood ang Boy Commute escapades. (ARIS R. ILAGAN)