Mga laro ngayon
San Juan Arena
1 p.m. – Opening Ceremonies
2 p.m. – Caida vs Tanduay Rhum
4 p.m. – UP-QRS-Jam Liner vs BDO-National University
Uumpisahan ng Caida Tiles at Tanduay Light ang kanilang kampanya sa 2016 PBA D-League Aspirants’ Cup na magbubukas ngayong araw na ito sa pamamagitan ng itinakdang double-header sa San Juan Arena.
Magtutuos ang Tile Masters at ang Rhum Masters sa pambungad na laro ganap na 2:00 ng hapon mataapos ang inihandang simpleng opening rites na magsisimula ng 1:00 ng hapon.
Nakatakda namang magtuos ang baguhang UP-QRS-Jam Liner at kapwa school-based team BDO-National University sa tampok na laban ganap na 4:00 ng hapon.
“With a lot of new faces plus the expected heated rivalry from school-based teams led by reigning UAAP champion Far Eastern University, University of the Philippines, National University, NAASCU champion Café France and AMA on-line Education I can say that the sixth season of the D-League is already a success,” pahayag ni PBA Deputy Commissioner Rickie Santos.
Kumuha si Tanduay coach Lawrence Chongson ng ilang mahuhusay na manlalaro mula sa collegiate rank na naging dahilan upang maging optimistiko siya sa kanilang tsansa.
Gayunman, hindi pa rin niya maiwasang mag-alala sa maikling panahon ng kanilang naging preparasyon bago ang season opener.
“It took some time before I was able to form my team so were cramming right now. Hopefully we’ve got the right pieces to make this work,” ani Chongson.
Inaasahang magiging panukat ang laban ng Tanduay sa Caida Tiles sa lakas ng Rhum Masters kapag nagawa nilang makipagsabayan sa malalaki, at halos puro batang running team ng Tile Masters na pangungunahan ng rookie top pick na si Jayson Perkins, kasama ang star guard na si Jio Jalalon at mga beteranong sina Jackson Corpuz, Dexter Maiquez, Roider Cabrera, Janus Lozada at Joseph Terso.
May walong manlalaro na edad 25 hanggang nasa 30-anyos, ang Tanduay Rhum ang itinuturing na isa sa pinakabeteranong koponan ng liga kasunod ng Wangs Basketball.
Magpapatuloy sa lunes ang aksiyon sa Ynares Sport Arena sa Lunes sa pagsasagupa ng reigning Foundation Cup champion Cafe France at ng isa pang baguhang Mindanao Aguilas ganap na 2:00 ng hapon na susundan ng tapatan ng Wang’s Basketball at ng isa ring baguhang Phoenix Petroleum-FEU ganap na 4:00 ng hapon.
Batay sa format ng liga,maglalaro ang siyam na koponang kalahok sa isang “single round-robin eliminations” , kung saan ang walong mangunguna ay uusad sa quarterfinals at taglay ng top four ang bentaheng twice-to-beat.
Ang semifinals ay isa namang “best-of-three series” habang ang finals ay “best-of-five affair”.