Bugbog-sarado ang isang binatilyo matapos umanong kuyugin ng 10 nagtitinda na napikon matapos umatras ang biktima sa pagbebenta ng cell phone mula sa isa sa mga suspek sa Pasay City.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Maverick Alejandro, 18, residente ng Inocencio St., Pasay City. Nagpapagaling ngayon si Alejandro sa San Juan de Dios Hospital dahil sa tinamo nitong mga sugat sa ulo.

Lumitaw sa imbestigasyon na inalok ni Alejandro ng cellphone ang isang vendor, na nakilala lamang bilang “Jeremy,” sa halagang P2,000 sa tindahan ng suspek sa Service Road, Roxas Blvd.

Tinawaran umano ni Jeremy sa mas mababang presyo ang cell phone subalit hindi sila nagkasundo ni Alejandro.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nagmatigas umano si Alejandro na ibebenta niya lamang ang cell phone sa halagang P2,000.

Nang mapikon kay Alejandro, tinawag ni Jeremy ang mga kasamahang vendor at sinabing bugbugin ang biktima.

Sinabi ng isang testigo, nakilalang si Abdelmanan Tanandato, na nagkukunwari lamang si Alejandro na ibebenta niya ang kanyang cell phone at ang tunay na pakay umano nito ay magnakaw sa paninda ni Jeremy, dahilan upang humingi ng resbak ang suspek.

Pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang mga suspek sa insidente. (Martin A. Sadongdong)