Ginulat ng Arellano University ang itinuturing na league powerhouse at dating kampeong San Beda College, 2-0, para makamit ang una nilang titulo sa pagtatapos ng NCAA Season 91 football tournament sa Rizal Memorial Track and Football Field.

Nai-deliver nina Charles Vincent Gamutan at Jumbeng Guinabang ang dalawang goals para sa Chiefs na kinumpleto ang kanilang pag-angat sa pamamagitan ng pag-angkin sa una nilang titulo sa liga magmula nang lumahok sila rito anim na taon na ang nakakaraan.

Tinapos din ng ng Arellano ang limang taong dominasyon ng Red Lions kabilang na ang naging paggapi nila sa Chiefs noong 2012 at 2013 finals.

“Hindi nawala yung tiwala namin sa sarili at yung paniniwala na kaya naming manalo,” pahayag ni Arellano coach Ravelo Saluria.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagpasalamat din si Saluria sa pamunuan ng Arellano University dahil sa ginawa ng mga itong pagpapatayo ng sarili nilang football field complete at athletes’ dormitory sa Lagro, Quezon City.

“Malaking bagay talaga yung football field. Kasi hindi na namin kailangan pang maghanap ng venue para mag-training,” ani Saluria.

Ang titulo ang ikalawa ngayong Season 91 para sa Arellano na nauna nang nagwagi sa men’s chess noong nakaraang unang semestre.

“The whole Arellano University community is proud of what the team has accomplished,” pahayag naman ni Arellano Mancom representative Peter Cayco.

Naging malaking kawalan para sa San Beda, nagmamay-ari ng league-best na 22 titulo, ang serbisyo ng striker na si Connor Tacagni na nagawaran ng ikalawa niyang yellow card sa kanilang 2-1 panalo kontra Arellano noong Sabado para maipuwersa ang knockout finals

Double blackeye ang natamo ng San Beda nang mawala din sa kanila ang juniors crown matapos silang gapiin ng St. Benilde-La Salle Greenhills, 5-3.