marella salamat -cycling photo copy

Pamumunuan ni 28th Southeast Asian Games (SEAG) Cycling Individual Time Trial (ITT) champion Marella Vania Salamat ang koponan ng Pilipinas na sasabak sa idaraos na Asian Cycling Championships sa Oshima Island sa Japan.

Anim na buwan matapos ang makasaysayan nitong panalo sa Singapore ay muling masusubok ang kakayahan ng pinakabagong national woman champion ng Pilipinas kontra sa mga beteranong siklista mula sa 26 na bansa sa Asia.

Makakasama ni Salamat ang kapwa miyembro ng national women’s team na si Avegail Rombaon at ang junior rider na ri Irish Wong.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nakatakdang gabayan ni national coach Cesar Lobramonte ang koponan na nagtungo sa Japan noong Sabado upang agad na makasanayan ang klima at panahon doon.

Magsisimulang sumalang ngayong umaga( Huwebes), ang koponan sa Individual Time Trial (ITT ) bago ang panghuling karera sa Linggo na massed start.

Inaasahang hindi lamang ang mga beteranong road racers sa rehiyon ang magiging balakid para sa tatlong Filipina riders sa pagsikad sa tatahaking 11.9 kilometro kada ikot na ruta kundi ang mababang temperatura sa lugar.

Sasalang sina Salamat at Rombaon laban sa 70 iba pang riders mula sa 15 mga bansa sa 22.4 kilometrong Women’s elite category habang ang 16-anyos na Batang Pinoy gold medalist na si Wong ang tanging pamabato ng Pilipinas sa Women’s Junior ITT na may kabuuang 50 kalahok mula sa 10 bansa.

Naghanda sina Salamat, Rombaon at Wong sa Tagaytay at Batangas kung saan nakipagsabayan sila sa mga kalalakihang riders sa mga isinagawang karera doon.

Huling nagwagi ang Pilipinas ng medalya sa ACC Road races noong 2011 nang iuwi ni Rustom Lim ang tanso sa paglahok nito sa Men’s Junior Massed start sa likod ng kalaban mula sa Korea at Hongkong. (ANGIE OREDO)