CLEVELAND (AP) — Umiskor ng 35 puntos si Stephen Curry habang nagdagdag ng 20 puntos si Andre Iguodala sa pagbabalik ng Golden State Warriors sa lugar kung saan sila nagwagi ng NBA championship noong nakaraang season at muling ipinahiya ang Cleveland Cavaliers, 132-98.
Nagtala ang Warriors ng 30-puntos na kalamangan sa first half upang makabalik buhat sa ‘di-inaasahang kabiguan sa kamay ng Detroit noong nakalipas na weekend sa pamamagitan ng kanilang ikalimang sunod na panalo kontra Cleveland.
Mabuti na lamang at nakapagsalansan ng puntos sa dakong huli ang Cavs para umiwas sa dapat sana’y pinakamalaking kabiguan nila sa kanilang homecourt.
Nagposte si Curry ng pitong 3-pointer, ang huli ang nagbigay sa Warriors ng 40-puntos na bentahe sa huling bahagi ng third canto at tila nasa sariling bahay ang reigning league MVP sa loob ng Quicken Loans Arena, kung saan nakamit ng Warriors ang una nilang titulo mula noong 1975.
Mistulang dugo ang naamoy ng Warriors matapos nilang durugin ang Cavs, na nabigo rin sa kanila noong nakaraang Pasko, 89-83, dahil halos walang nagawa ang home team upang pigilin ang defending champions.
Nakaiskor si LeBron James ng 16 puntos para sa Cleveland, na kababalik pa lamang mula sa 5-1 panalo-talo sa pinakamahaba nilang road trip ngayong season.
Ngunit gaya noong nakaraang Finals, wala halos naitulong si James.
Nagtala lamang ng 8 puntos si Kyrie Irving mula sa 3-of-11 shooting habang mayroon lamang naiambag na 3 puntos si Kevin Love sa 21 minuto na itinagal niya sa loob ng court.
Bagamat maituturing na mas malakas ang Cleveland kumpara noong nakaraang Disyembre, ang inaasahang matinding laban sa pagitan ng itinuturing na dalawang pinakamahusay na koponan sa liga ay hindi nangyari dahil ang laban ay para lamang sa Golden State mula umpisa hanggang matapos.
Lalo pang lumala ang pagkaunsiyami sa panig ng Cavs sa third period nang ibaba ni J.R. Smith ang kanyang balikat at banggain si Harrison Barnes dahil natawagan ang una na dumating sa arena wala ng isang oras bago magsimula ang laban ng Flagrant 2 foul at na-eject sa laro. Kasunod nito ay si James naman ang natawagan ng technical makaraang makabangga si Festus Ezeli.
Nagdagdag naman si Draymond Green ng 16 puntos, 10 rebounds at 7 assists para sa Warriors.
Sa iba pang mga laro, nagtala ng 31 puntos si Dirk Nowitzki nang padapain ng Dallas ang Boston, 118-113, umiskor din ng 31 puntos si Kyle Lowry at 30 puntos naman si DeMar DeRozan upang pangunahan ang Toronto sa paggapi sa Brooklyn, 112-100 habang namayani ang Atlanta sa Orlando, 98-81.